top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Sa panahon ng pandemya, nagkalat ang mga mapagsamantala

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 30, 2021
2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | January 30, 2021



Habang ang buong mundo ay abala sa paglaban sa COVID-19, napakarami naman d’yan na kitang-kita at tila ginagamit pa bilang pangbulabog sa paningin ng lahat.


Habang abala ang buong mundo kung paano makasu-survive sa pandemya, biglang naglabas ng batas ang China na nagbibigay-kapangyarihan sa kanilang coastguard na gumamit ng dahas laban sa mga manghihimasok sa kanila umanong pag-aaring karagatan.


Hindi ba’t kailangan ng buong mundo na pagtuunan ng pansin ang tunay at umiiral na suliranin ng pandemya na malinaw na banta at panganib para sa lahat? Marahil, ito ang problema kung higit na mahalaga sa mga lider ng bansa ang pansariling kapakanan.


Nababalot sa takot at kahirapan ang buong bansa, pero kung anu-anong nangyayari na umaagaw ng atensiyon ng marami at inilalayo ito sa dapat na tignan.


Ipinagdiwang natin noong Huwebes ang kapistahan ni San Tomas ng Aquino. Masipag na dalubhasa si San Tomas. Isinulat niya ang napakakapal na koleksiyon ng mga tanong at sagot tungkol sa pilosopiya at teolohiyang Katolika na nakilalang ‘Summa Teologica’.


Sinikap ng Santo na tingnan nang malalim ang lahat ng bagay na may kinalaman sa pag-iisip (pilosopiya) at pananampalataya (Teolohiya).


Noong nakaraang siglo, sinimulan ng mga Papa ang pagsusulat ng Catholic Social Teachings, o mga panayam, liham, paliwanag sa mahahalagang isyu sa mundo at mahahalagang prinsipyong kaugnay ng ating pananampalataya na makatutulong sa pag-unawa at pagtugon sa sari-saring isyung ito.


Itinuro nila ang pananaw ng Church Social Teachings na: see—judge—act. tumingin—magpasya o bumuo ng opinyon o pananaw—at kumilos.


Sa mga nangyayari sa ating bansa kasama ang buong daidig, kailangan nating tumingin—umunawa, magpasya at kumilos.


Ganito ang mensahe ng ebanghelyo noong Huwebes. Sinabi ni Hesus sa kanyang mga disipulo: “Sisindihan ba ang ilawan para itago sa ilalim ng takalan o kaya’y sa ilalim ng higaan? Hindi ba upang ilagay sa talagang patungan? Walang natatago na di malalantad at lihim na hindi mabubunyag. Ang may pandinig ay makinig.” (Marcos 4:21-23)


Katatapos lang ng pamumuno ng dating pangulo ng Estados Unidos. Ayon sa marami, tapos na ang panahon ng labis na pagsisinungaling at panlilinlang. Kailangang simulan na ang panahon ng muling pagpapalaganap ng liwanag.


Bagama’t nababalot pa rin tayo ng takot at kalituhan dahil sa pandemya, samantalahin natin ang sitwasyon na tulungan ng pamahalaan na lumakas ang ang katawan at luminaw ang paningin ng taumbayan. Napakabigat ng ating mga suliranin. Kailangan ang lubos na pagkakaisa at pagtutulungan upang labanan ang pandemya, ang kadiliman at ang nagbabadyang pananakop ng isa sa mga higante ng Asia.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page