Sa panahon ng pandemya, kailangan nating magkaisa at hindi maghilahan pababa!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 23, 2020
Nakalulungkot ang mga nagdaang araw dahil bukod sa sunud-sunod ang nanalasang bagyo sa maraming lugar sa ating bansa ay napakarami nating kababayan ang nalagay sa bingit ng kamatayan at marami rin ang nasawi.
Pero sa halip na magkaisa ang ating mga kababayan ay kani-kanyang bangayan sa social media at hanapan nang hanapan ng mali at sisihan nang sisihan.
Marami tayong kababayan ang handang magsakripisyo kahit ibuwis pa ang buhay basta’t makapaghandog lamang ng tulong sa ating mga kababayan na kasalukuyang nasa gitna ng trahedya.
Hindi ba’t may kilalang celebrity na tuwing may kalamidad ay palagi namang lumulusong sa baha gamit ang kanyang surfboard para ikutin ang kanilang barangay at tiyaking ligtas ang kanyang mga kalugar.
‘Yung mga natulungan niya ay tuwang-tuwa ngunit ‘yung mga walang ginagawa at nakaharap lang sa laptop ay siya pang paulan nang paulan ng batikos at minamasama pa ang naturang pagtulong.
Marami tayong kababayan na handang magbigay talaga ng tulong at hindi nila alintana ang aabuting halaga dahil bukal sa kanila ang tumulong ng walang kapalit tulad ng mga nais makilala kaya gumagawa ng mabuti.
Bilang halal na opisyal ay alam ko ang hirap na dinaranas ng marami sa ating pamahalaan at halos hindi na sila natutulog para gampanan lamang ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Pero imbes na bigyan sila ng suporta kahit sa pamamagitan lamang ng pagpapalakas ng loob sa social media para magpatuloy ay umaani pa sila ng batikos sa sitwasyong wala namang may gusto dahil isa itong kalamidad.
May grupo rin ng mga mag-aaral mula sa Ateneo de Manila na hindi umano magsusumite ng hinihinging requirements ng eskuwela para ipakita ang kanilang protesta sa napakabagal umanong pagtugon ng pamahalaan sa kasalukuyang trahedya dulot ng mga Bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.
Sa halip na magpakita ng suporta ay mas minabuti pa nilang magpakita ng galit sa mga taong naghahandog ng tulong sa napakahirap na sitwasyon na labis na nakakaalarma dahil ang kanilang basehan lang naman ay ang social media.
Mabuti sana kung ang bawat pambabatikos ng mga walang magawa sa buhay ay makakatulong para maging pagkain, kaso hindi naman at nakadaragdag lamang ito sa paglala ng kasalukuyang sitwasyon.
Naiipit din tayo sa bangayan sa social media ng mga supporter o pakawala ng mga pulitiko na may ibang pananaw at alipin ng kani-kanilang kulay sa pulitika na iniuugnay pa ang kasalukuyang sitwasyon sa kani-kanyang adhikain.
Batuhan sila ng paninira at pagalingan sa pagpapakalat ng fake news, mabuti sana kung sakaling masawi sila dahil sa ginagawa nilang ito ay iyakan sila ng mga pulitikong ipinagtatanggol nila, baka tawanan pa sila.
Itong mga nagbabangayan sa social media ay parang mga miron sa dalawang naglalaban sa larong chess na kapwa tahimik pero ang mga miron ang mas maingay at satsat nang satsat ng mga hindi kailangang komento.
Hindi ko talaga maisip kung bakit humantong na sa ganito ang marami sa ating mga kababayan na imbes na magtulungan o magbigay ng suporta sa isa’t isa lalo pa sa ganitong panahon na bukod sa pananalasa ng bagyo ay nasa gitna pa tayo ng pandemya.
Kung mananatili pa ang taliwas na pag-iisip ng ilan sa ating mga kababayan at magpapatuloy ang pagbuyo para kumontra sa isa’t isa ay hindi malayong samantalahin ito ng mga rebeldeng grupo para akitin ang ilan sa ating kababayan.
Malaki na ang nabawas kumpara sa sinaunang Pilipino na sa gitna ng trahedya ay agad na nagkakaisa at ramdam na ramdam ang pagmamahalan at pagtatanggol sa isa’t isa noong wala pang social media.
Itong mga nakatutok sa laptop na kahit kailan ay hindi nagbigay ng positibong komento sa social media, nasubukan na kaya nilang lumabas para personal na magbigay-tulong sa kanilang mga kababayang biktima ng mga nagdaang bagyo?
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments