Sa palpak na tourism campaign, may dapat managot at kailangan nang mag-move on
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 7, 2023
Tila bombang sumabog nang ilunsad ang bagong ‘Love the Philippines’ tourism campaign ng Department of Tourism, ngunit sa kasawiang palad ay dahil sa maling kadahilanan.
Napag-alaman kasi na ginamitan ang isang campaign video para rito ng stock footage mula sa ibang bansa para kumatawan sa mga tourism destination sa Pilipinas.
Bukod sa radyo, telebisyon, pahayagan at social media na ilang araw nang inilalabas ang pahayag, napakarami pa ng nais magbigay ng komento hinggil sa naganap na pagkakamali at paulit-ulit na binabanatan ang isyu.
Sabagay, hindi naman natin minamaliit ang naturang pagkakamali dahil banner story ito ng lahat ng istasyon sa radyo, telebisyon at pahayagan dahil nga sa marami ang nakapansin kahit wala pa halos limang segundong dinaanan ang footage na kuha gamit ang ibang bansa.
Kaya ang resulta, napakaraming sumakay sa isyu, kabi-kabila ang nagbigay ng kanilang pahayag, maliban pa sa sandamakmak na opinyon na binitawan ng mga netizen na lahat ay hindi rin natin maawat na magbigay ng kani-kanilang komento.
Ang salarin, ang DDB Group Philippines, ang advertising agency na kinontrata ng DOT para bumuo ng isang napapanahong tourism campaign para sa bansa. Ang DDB ay isang Marketing strategist na nag-aalok ng creative business solutions, digital strategies at public relations services na binubuo ng mga sikat at nangungunang creative director sa bansa.
Kaya marami sa ating mga kababayan ang nagtataka at nagdududa kung bakit naganap ang kapalpakan na kung tutuusin ay walang puwang para mangyari dahil binubuo ang DDB Group Philippines ng mga eksperto. Hindi tuloy mapigilan ang mga usap-usapan online na baka ito ay sinadya para sirain ang DOT.
Dahil sa iskandalong naganap ay walang nagawa ang DDB Group Philippines kung hindi ang aminin ang kanilang kapalpakan kasabay ng paghingi ng paumanhin hinggil sa nangyari ngunit dapat ay magpaliwanag sila kung bakit ito nangyari.
Humingi rin ng tawad sa publiko ang naturang ad agency dahil sa paggamit nila ng hindi mga orihinal na materyales sa kanilang AVP. Pero, hindi nila maipaliwanag kung bakit ito naglabasan sa social media at nakalusot sa pag-iingat ng ilang blogger kaya kumalat ang naturang video.
Dahil sa tindi ng kontrobersiya ay nabulabog ang tanggapan ng DOT na nauwi sa kanilang pagkansela ng kontrata sa DDB Group Philippines na hindi naman nakapaghatid ng maayos na serbisyo at sa halip ay nakaladkad pa ang ahensya sa matinding kahihiyan.
Kung tutuusin, dapat pa nating bigyan ng kredito ang DOT dahil sa maagang panahon ay nadiskubre nilang kinopya lamang ang video na ginamit sa audio-visual presentation (AVP) ng ‘Love the Philippines’ tourism slogan.
Umabot na kasi kung saan-saan ang usapin dahil dito, na may nagsasabi pang dapat ay isauli umano sa DOT ang ginastos sa DDB Philippines na sa totoo lang ay hindi pa naman dumating sa puntong nagbayad na ang ahensya.
Sa ngayon, mabuting tingnan na lamang natin ang mabilis at mabuting hakbang na isinagawa ng DOT na kanselahin na ang kasunduan sa pagitan ng DDB Group Philippines na umamin naman sa kahihiyang idinulot nila sa bansa at hindi pa malinaw kung sinadya o hindi.
Dapat ay sama-sama tayong mga Pilipino sa pagkondena sa pagkukulang na nagawa ng DDB Group Philippines dahil aminado sila. Bigyan din natin ng papuri ang DOT dahil bagama’t sinubuan sila ng palpak na presentasyon ay agaran nila itong itinama.
Ang matinding pagsisikap ng DOT sa mga nagdaang taon na matulungan ang mga lokal na industriya na labis na nagdusa dahil nag-shutdown sa panahon ng COVID-19 pandemic ay hindi dapat basta maisasaisantabi.
Hindi natin dapat kalimutan ang mga mabubuting nagawa ng DOT, na ngayon ay nasa ilalim ng pamamahala ni Secretary Christina Frasco, dahil lamang sa kapalpakan ng DDB Group Philippines na inako rin lahat ng iskandalo. Ngunit kung tutuusin ay dapat silang managot para hindi na makapambiktima ng iba pa.
Ang mga magagandang nasimulan at naisakatuparan ng DOT sa ilalim ng pamumuno ni Sec. Frasco ay hindi matatawaran at hindi dapat madiskaril dahil lamang sa hindi maliwanag na intensyon ng naturang ad agency na kasalukuyan iniimbestigahan kung sinabotahe ba o hindi.
Mula sa kasagsagan ng pandemya ay naramdaman na ang unti-unti nating pagbangon at napakalaki ng tulong dito ng DOT, na nakikita na rin ang mabilis na pagdami ng mga turista sa bansa dahil sa kanilang pagsisikap.
Unti-unti ay naibalik nila ang ganda ng Pilipinas sa mata ng mga dayuhang turista na naeengganyong libutin ang iba’t ibang lugar sa bansa, ang ating kultura, ang katahimikan, ang bayanihan at napakasayang dulot sa pagdalaw sa ating kapuluan.
Malaki ang isinigla ng ating turismo, at ang planong paglalabas ng bagong tourism slogan ay bahagi sana ng ika-50 founding anniversary ng DOT para mapalakas pa ang paghikayat sa mga turista, subalit sa kasamaang palad ay nakaladkad ang ahensya sa kapalpakan ng DBB Group Philippines.
Mahirap sabihin na hindi sinasadya ang kanilang pagkakamali dahil sa ilalim ng Federal Trade Commission Act ay bawal na bawal ang hindi totoong detalye sa advertising na batid natin, at alam din ito ng DDB Group Philippines. Hindi naman sila papasok sa milyun-milyong kontrata sa DOT kung hindi nila ito kabisado -- kaya rito talaga pumapasok ang anggulong sabotahe.
Ngayong malinaw na ang lahat, walang nalugi sa panig ng pamahalaan, walang nasaktang tao at may pagkakataon na kumuha ng bagong gagawa ng infomercial ang DOT, kaya makabubuting tapusin na natin ang isyung ito.
Sama-sama na tayong sumulong para sa ikauunlad hindi lang ng turismo pati rin ng buong bansa. Iwasan na natin ang palitan ng mga magkakasalungat na opinyon dahil sa huli ay tayo rin ang maaapektuhan kung hindi pa natin ititigil ang kontrobersiyang ito.
Hindi mahalaga kung ang tourism slogan ay ‘It’s more fun in the Philippines’ o ‘Love the Philippines’ dahil ang mahalaga ay isabuhay natin ang mga ibig sabihin ng mga katagang ito sa halip na magtalu-talo at maghanapan ng mali sa isa’t isa.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments