Search
  • BULGAR

Sa pagtutulungan ng bawat isa, siguradong makakaalpas tayo sa suliraning ito!

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | June 25, 2020


Hindi pa natatapos ang kalbaryo natin.


Nakalulungkot dahil nakatitiyak tayong magpapatuloy hanggang 2021 ang negatibong epekto ng COVID-19 pandemic sa ating bansa.


Nakakapanlumo ang mga numero. Ayon sa Asian Development Bank, tinatayong babagsak ng 3.8% ang gross domestic product ng bansa sa taong ito.


Ayon naman sa magkaibang report ng UK-based think tanks na Capital Economics at Oxford Economics, ang Pilipinas, kasama ang India at Indonesia, ang “bottom three” sa usapin ng economic recovery. Tayo ang pangatlo mula sa pinakahuling makakabangon mula sa dagok ng COVID-19.


☻☻☻


Kinilala ng mga forecast na ito na matinding dagok ang dinulot ng pandemic sa larangan ng turismo at domestic consumer demand na major drivers ng ekonomiya ng bansa.

Inilahad ng Philippine Statistics Authority na 12.7% ang GDP share ng tourism industry noong 2019. Nasa 70% naman ng GDP ang private consumption.


Idagdag pa rito na nitong April ay umakyat sa record-high na 17.7% ang unemployment rate ng bansa.


☻☻☻


Sa harap ng mga datos na ito, kahit sino marahil ay panghihinaan ng loob.

Ngunit naniniwala akong malalagpasan nating mga Pilipino ang marahil ay isa sa mga pinakamalaking hamon na haharapin ng ating henerasyon.


Makakaalpas tayo kung tayo ay magtutulungan. Kinakailangang ang mga hakbang natin ay palaging ginagabayan hindi lamang ng siyensiya kundi pati na rin ng common sense.


Hindi katanggap-tanggap ang patse-patseng pagtugon sa mga isyu. Napakarami nating eksperto sa iba’t ibang larangan — hindi dapat tayo nagdadalawang-isip na i-recruit sila nang mapabuti ang mga plano at implementasyon natin sa mga programa ng pamahalaan.


☻☻☻


At hindi rin nakabubuti ang “siege mentality” na ginagawa ng pamahalaan sa pagtahak natin sa daan tungo sa muling pagbangon.


Pakatandaan natin na tayo ay isang demokratikong bansa. Sa pagtutunggali at pagbabangga ng iba’t ibang ideya, umaabot tayo sa konsensus na magiging kapakaki-pakinabang sa mas nakararami.


Hindi masama ang kritisismo. Hindi kalaban ang pumupuna. Madalas, mas nakatutulong ang kritisismong nakabatay sa katotohanan kaysa sa tinatawag na groupthink.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-pahalaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.

Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.

Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.