top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Sa pagdiriwang ng National Heroes’ Day… ‘Maging bayani sa ating sariling pamamaraan’ – P-BBM

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 29, 2022
3 min read

ni Lolet Abania | August 29, 2022



Sa paggunita ng bansa sa National Heroes’ Day ngayong Lunes, Agosto 29, kinilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na nakipaglaban para sa ating bayan habang hinimok ang publiko na huwag silang kalilimutan.


Si Pangulong Marcos ay nagbigay ng parangal sa mga hindi mabilang na mga lalaki at mga babae sa kanilang natatanging katapangan at lakas ng loob para maitatag at mapangalagaan ang bayan.


Ayon sa Punong Ehekutibo, “[Their actions] not only remind us of the nobility of our race, but also invite us to take part in the difficult but rewarding task of nation-building.”


“We remember and honor each of them for the sacrifices they made in our behalf so that we may live in peace, security, and liberty as well as realize our full potential as Filipinos,” ani Pangulong Marcos sa kanyang mensahe.


“We must never forget them as their legacy of heroism lives on in the hearts of our medical professionals, civil servants, uniformed personnel, and ordinary citizens who toil daily to keep the Filipino dream alive.”


Hinimok naman ng Pangulo ang mga Pilipino na aniya, “let us strive to fulfill our own promise so that we may also be heroes in our own right and a source of pride and inspiration for the succeeding generation of Filipinos to emulate.”


Ngayong Lunes ng umaga, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang paggunita ng National Heroes’ Day sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.


Kasama si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro, nag-alay ang Chief Executive ng isang wreath sa nasabing okasyon upang parangalan ang kagitingan ng mga bayaning Pilipino na nakipaglaban para sa kalayaan ng ating bayan.


Dumalo rin sa event sina Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge Jose Faustino Jr., National Historical Commission of the Philippines (NHCP) chairman Rene Escalante, at Taguig City Mayor Laarni Cayetano.


Sa kanyang talumpati, nanawagan muli si Pangulong Marcos sa publiko na magpabakuna na laban sa COVID-19.


“Nais ko ring kunin ang pagkakataon na ito upang magpaalala sa lahat na sumunod na sa direktiba ng pamahalaan hinggil sa ating kalusugan. Inaanyayahan ko ang lahat ng mga maaaring magpabakuna na makiisa sa ating mga vaccination programs upang mapangalagaan ang kalusugan hindi lamang ng ating sarili, kung hindi ang ating mga kapwa,” saad ni P-BBM.


“Ito ang panahon upang pagtibayin ang ating lakas at maghanda sa mabilis at siguradong pagbangon ng ating ekonomiya. Manalig tayong sisikat at sasapit din ang mas ligtas at mas masaganang kinabukasan para sa ating lahat,” dagdag ng Pangulo.


Binigyang pagkilala rin ng Pangulo ang mga war veterans na nakipaglaban para sa mga Pilipino habang nangako na ang kanyang administrasyon ay magtatatag ng mga ospital para sa kanila, lalo na sa Visayas at Mindanao.


“Makakaasa kayo na ang pamahalaang ito ay mananatiling aktibo sa pagsusulong ng mga programang tutugon sa inyong mga pangangailangan, lalo na para sa kanilang mga rekisitong pangkalusugan,” sabi ni Pangulong Marcos.


“Kaisa ng Philippine Veterans Affairs Office, magpapatayo tayo ng mga ospital sa Visayas at Mindanao na ilalaan natin para sa ating mga beterano,” aniya pa.


Kinilala rin niya ang mga modern-day heroes ng bansa, kabilang ang mga agricultural at iba pang industry workers, mga manggagawa, mga guro at iba pang education personnel, health personnel, uniformed personnel, at overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang kontribusyon para sa bayan.


“Habang ang makabagong panahon ay nagbibigay sa atin ng mga pagbabagong kailangang harapin, tiyak na malalampasan natin ang kahit na anong pagsubok kung magiging bayani tayo sa ating sariling mga pamamaraan,” wika ng Pangulo.


“Gamitin natin ang ating kakayahan upang panibaguhin ang ating kapaligiran para sa higit na ikabubuti ng lahat,” pahayag pa niya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page