Sa pagbalanse ng ekonomiya at kalusugan.. Wala nang lockdown – P-BBM
ni Lolet Abania | July 25, 2022

Isa sa mga pahayag na nagmarka nang husto sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ngayong Lunes, ang pagtapos nito sa mga lockdown bilang tugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa Pangulo, kailangang magkaroon ng balanse sa pagitan ng ekonomiya ng bansa at ang kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino.
“Sa ating sitwasyon na pangkalusugan, nariyan pa rin ang banta ng COVID-19 lalo’t may mga nadidiskubreng variant ng coronavirus, pero hindi na natin kakayanin ang isa pang lockdown,” pahayag ni Pangulo Marcos.
“Wala na tayong gagawing lockdown. Dapat nating balansehin ang kalusugan at kapakanan ng ating mga mamamayan sa isang banda at ekonomiya naman sa isang banda,” dagdag ng Chief Executive.
Una nang sinabi ni Pangulong Marcos, na tinamaan kamakailan ng COVID-19, na nais niyang paigtingin ang vaccination at administration ng booster shots sa bansa. Aniya, ito ang titiyak sa kaligtasan ng mga estudyante sa gitna ng pagpapatuloy ng kanilang face-to-face classes.
Pinanatili naman ng Punong Ehekutibo ang COVID-19 Alert Level System habang pinag-aaralan niya ang reclassification ng mga restriksyon, kung saan aniya, magiging mas compatible o nababagay sa kasalukuyan na milder strains ng coronavirus.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, kung ang booster doses ay maibibigay sa mas maraming tao, ang COVID-19 Alert Level System ay maaari nang i-adjust.
Binanggit na rin ni Department of Health (DOH) Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire na ang ahensiya ay maaaring makagawa ng bagong classifications sa ikalawang linggo ng Agosto.





Comments