Sa pag-aalburoto ng 3 bulkan, ‘The Big One’ dapat na ring paghandaan
Updated: Jun 16, 2023
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 16, 2023
Bukas araw ng Sabado ay maghapon tayong mamamahagi ng ayuda sa mga kababayan nating inilikas na sa iba’t ibang evacuation center na nakapuwesto sa labas ng 8 km radius na itinuturing na permanent danger zone sa paligid ng Bulkang Mayon sa Albay.
Bagama’t may nakikita nang mabagal na pag-agos ng lava mula sa summit crater ay wala pa namang iniuulat na pagputok ngunit sadyang inilikas na ang malalapit na residente upang walang mapahamak sakaling magkaroon ng biglaang pagbuga.
Bukas, alas-7:30 ng umaga ay nasa Daraga Municipal Hall kami kasama ang aking staff.
Pagkatapos ay magtutungo kami sa Sto. Domingo Municipal Hall at mamamahagi ng food packs at cash assistance sa bawat pamilya.
Kasunod nito ay sa bayan ng Malilipot, saka sa Tabaco City, pati na rin sa Guinobatan, Camalig at Daraga na tinatayang matatapos naming mamahagi ng tig-P2,000 bawat pamilya bago kumagat ang dilim para meron ding panggastos ang mga nasa evacuation center.
Sa gitna ng pag-aalburoto ng sabay-sabay na tatlong kilalang bulkan sa bansa ay nagbigay ng babala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na posibleng may masawi at mawala kapag tumama na ang tinaguriang the ‘Big One’.
Ang babala ay binitawan mismo ni NDRRMC Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno noong nakaraang linggo nang isagawa ang ikalawang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) 2023 sa Mandaluyong City.
Nilinaw nitong mabuti na mahigit sa 60,000 katao ang tinatayang masasawi habang mahigit umano sa 120,000 ang mawawala sakaling tumama na ang tinaguriang the ‘Big One’ o 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila.
Hindi umano ito ordinaryong babala dahil dumaan ito sa masusing pag-aaral at ang kanilang pagtataya ay suportado ng malalimang pananaliksik at bilang mga eksperto ay hindi natin dapat balewalain ang pahayag na ito ng NDRRMC.
Isa pa sa dapat nating pag-ukulan ng pansin ay ang pahayag ni Nepomuceno na nasa 3,000 gusali at kabahayan umano ang nakatayo sa mismong ibabaw ng fault line na dapat ngayon pa lamang ay matukoy na upang hindi na mapahamak pa.
Sakaling maganap na umano ang kinatatakutang lindol na ito ay inaasahang kulang-kulang sa 200,000 katao ang mapapahamak kung hindi umano tayo kikilos sa lalong madaling panahon at abutin tayo ng delubyo.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Public Works, ay nagsumite tayo kamakailan ng Proposed Senate Resolution No. 67 para obligahin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya ng pamahalaan na magsagawa ng agarang inspeksyon sa lahat ng gusali at imprastraktura sa ating bansa.
Nais nating matiyak ang full compliance sa itinakdang standard ng National Building Code hinggil sa structural safety at integrity upang mabigyan ng proteksyon ang mga Pilipino hindi lang sa kanilang pag-aari kung hindi sa buhay ng bawat isa.
Hindi na kasi maganda ang nangyayari na tuwing lilindol ay pag-uusapan, paghupa tigil din ang usapan, dapat sa panahong ito ay naisagawa na ang inspeksyon at audit ng mga buildings at structures, hindi ‘yung kada lilindol lang.
Ito ngayon ang pinangangambahan ng marami sa ating mga kababayan dahil tila kabuteng nagsusulputan ang mga high-rise building at dikit-dikit pa na karaniwan ay mga condominium sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Wala naman tayong duda sa kakayahan ng mga kontratista at mga inhinyero na gumagawa ng mga istrakturang ito ngunit alam nating lahat na hindi pa subok ng malakas na lindol ang Metro Manila at hindi tayo sigurado kung nakakasunod sa National Building Code on Structural Safety and Integrity.
Kung seseryosohin natin ang pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ay hinog na umano ang fault line sa Metro Manila na tinawag nga nilang the ‘Big One” na anumang oras ay pinangangambahang mangyari.
Isa pa sa ating isinumite ay ang Senate Bill No. 1809 na naglalayong amyendahan ang Republic Act. No. 4566, na mas kilala sa tawag na Contractors’ License Law, na masyado nang sinauna at hindi na akma sa kasalukuyang panahon.
Sobrang tagal na kasi ng batas na ito na pinagtibay noon pang 1965 na hanggang ngayon ay ito pa rin ang ating ginagamit upang matiyak na kwalipikado at mapagkakatiwalaan ang isang kontratista.
Ngayon, heto nga at halinhinang nagpapakita ng abnormalidad ang Mayon Volcano sa Albay, Taal Volcano sa Talisay at San Nicolas, Batangas at Kanlaon Volcano na nasa border ng Negros Occidental at Negros Oriental na pinangangambahan ng mga eksperto dahil ang Pilipinas umano ay nasa Pacific Ring of Fire na may lagusan patungong Pacific Ocean na nailalarawan sa mga aktibong bulkan at madalas na lindol.
Posibleng dito rin nanggagaling, ang sinasabi ng NDRRMC kaya kabi-kabila ang earthquake drill, sunud-sunod na pahayag hinggil sa lindol at pag-aalburoto ng tatlong bulkan, kaya marapat lang na huwag nating balewalain ang lahat, sabayan natin ng panalangin upang hindi tayo mapahamak.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments