top of page
TALKIES - KAREN, PROUD NA PROUD NA NAKAUSAP SI ANGELINA JOLIE_FB Karen Davila.jpeg

Sa opening ng ASEAN Summit... Dumi at ihi ng tao, ikinalat sa Maynila

Writer: BULGAR
BULGAR
35 minutes ago
2 min read

ni Mylene Alfonso @News | November 16, 2026



Claire Castro - PCO

Photo: PCO



Nanawagan si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro sa publiko na magkaisa at iwasang masira ang imahe ng Pilipinas sa gitna ng mga kilos-protesta sa Liwasang Bonifacio, kasabay ng pagdaraos ng 49th ASEAN Summit na pinamumunuan ng bansa.


Ito ay matapos maiulat na siyam na katao ang inaresto sa naturang lugar habang nagsasagawa ng protesta. Kinuwestiyon din ni Bayan President Renato Reyes ang umano'y pagpapatupad ng maximum tolerance ng mga awtoridad.



Photo: Binitbit ng mga miyembro ng Manila Police District (MPD) ang isang lalaki na kasama umano sa grupo ng mga nagpoprotesta sa Liwasang Bonifacio sa Maynila matapos ang tangkang paglapit sa PICC Complex kung saan nagaganap ang pagbubukas ng ika-49 na ASEAN Summit. (Jeff Tumbado)  



May mga ulat din na ikinalat ang dumi at ihi ng tao sa Liwasang Bonifacio upang pigilan ang mga demonstrador na magsagawa ng aktibidad doon.


Sa press briefing, sinabi ni Castro na wala silang maibibigay na komento hinggil sa umano'y pagtatapon ng dumi dahil walang malinaw na konteksto kung sino ang responsable rito.


Binigyang-diin ni Castro na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maipakita sa mga dayuhang delegado ang kagandahan ng Pilipinas bilang punong-abala ng ASEAN Summit.

“Wala po tayong masasabi sa ganyan dahil walang tunay na konteksto kung sino ang nagawa ng kadumihan na iyan,” ani Castro.

“Tandaan po natin ang Pangulo po, ang Pilipinas ang siyang chair ng ASEAN Summit at ang nais ng Pangulo ay maging maayos, maganda ang Pilipinas, hindi lamang pang ito ay para sa kinabukasan ng ating mga Pilipino dahil dito, ito ang panahon kung paano natin maipapakita sa ibang bansa ang kagandahan ng Pilipinas,” aniya.


Umapela rin siya sa mga grupo na sa halip na magsagawa ng rally at magdulot ng kaguluhan, ay idaan sa maayos na pag-uusap sa pamahalaan ang kanilang mga hinaing at problema.


Giit ni Castro, hindi nareresolba ang mga isyu sa pamamagitan ng karahasan, sigawan at pagdudumi sa mga kalsada.


“Kaya nga po sa panahon ngayon dapat tayo ay nagkakaisa. Huwag natin dumihan ang imahe ng Pilipinas sa ibang bansa,” punto ni Castro.


“Sana lang magtulong-tulungan po tayo, iangat ang Pilipinas, tulungan natin ang Pangulo, tulungan natin ang administrasyon. Huwag na sana tayo munang magsagawa ng anumang issue, kaguluhan dahil ang mga bagay-bagay na mga ganyan ay napag-uusapan sa tamang panahon, sa tamang pamamaraan, hindi sa pagra-rally sana at puwede pong magkaroon, ito ay kumbaga eh mag-usap sa isang magandang venue. Ano ang kailangan? Ano ang problema? Ilahad lang sa gobyerno, ilahad sa pamahalaan, ilahad sa administrasyon. Hindi po muli, uulitin ko, hindi po nasosolusyonan ang isang issue sa pamamagitan ng karahasan, sa pamamagitan ng sigawan at sa pamamagitan ng pagdudumi ng kalsada sa ating bansa,” hirit ng Palace official. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page