Sa nalalapit na F2F classes… COVID-19 booster shots, tanggapin na – P-BBM
ni Lolet Abania | August 7, 2022

Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na paghandaan ang pagpapatuloy ng face-to-face classes nitong buwan, partikular na ang pagtanggap ng booster shots kontra COVID-19.
Sa kanyang weekly vlog, sinabi ni Pangulong Marcos na kailangan ng publiko na sapat na maprotektahan laban sa COVID-19 bago ang inaasahang pagdagsa ng mga estudyante sa mga paaralan.
“Una riyan ‘yung panigurong nakapag-booster shot na ang lahat lalong lalo na ang ating mga kabataan para siguradong handa ang pangangatawan nila sa pagbabalik eskuwela,” pahayag ni P-BBM nitong Sabado.
“Hindi man ito magiging ganu’n kasimple, pero kapag tama ang paghahanda ay siguradong magiging matagumpay ito,” sabi ng Chief Executive.
Hindi naman nilinaw ng Pangulo kung ang ibig sabihin nito na ang pagpapabakuna kontra COVID-19 ay magiging requirement para sa mga estudyante na nagnanais na bumalik sa in-person classes, subalit una nang sinabi ng Department of Education (DepEd) na hindi ito magdi-discriminate sa mga learners na ayaw magpabakuna laban sa coronavirus.
Ayon kay Pangulong Marcos, sa ngayon ay nasa 15.9 milyon Pilipino pa lamang ang tumanggap ng kanilang first booster shots, habang 1.2 milyon indibidwal ang nabigyan na ng second COVID-19 boosters.
“Hindi pa ito magandang numero kumpara sa target natin na 100 percent, kaya hindi tayo magsasawa na pakiusapan ang ating mga LGU na maging mas agresibo dito sa kampanyang ito,” saad ng Pangulo.
Binanggit din ni P-BBM na nasa tinatayang 15.2 milyong estudyante ang naka-enroll na para ngayong school year, kung saan aniya, mas maraming tao ang mabebenepisyuhan mula sa pagbabalik ng physical classes matapos ang 2 taon ng virtual learning.
“Kailangan din ng mga estudyante ng mga school supplies at materyales. Isama mo na ‘yung pagkain kaya’t ang ating retail industry ay may karagdagang influx din ng salapi,” ani P-BBM.
“Marami ring mga magulang ang mas magkakaroon ng oras makapaghanapbuhay kapag nasa eskuwelahan na ang kanilang mga anak kaya madadagdagan ang ating workforce at mas marami rin silang magiging option sa pagpili ng trabaho dahil hindi na sila limitado sa online,” sabi niya.
“Kapag ito ay naging matagumpay, hindi lang ito balik-eskuwela, kung ‘di balik-negosyo?
Balik-hanapbuhay at balik-kaunlaran,” paliwanag pa ni Pangulong Marcos.





Comments