top of page
Search
BULGAR

Sa laki ng patong sa ulo, tiyak kakaba-kaba si Pastor Quiboloy

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 10, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SANA ‘WAG NANG ISAMA SA SENATORIAL SURVEY -- Sa isang interview ay mismo sa bibig na ni former Vice President Leni Robredo na pagka-alkalde ng Naga City ang lalahukan niya sa 2025 midterm election.


Kumpirmado na iyan kaya panawagan sa mga survey firm, huwag nang ibilang sa senatorial survey ang name ni ex-VP Leni, at ang isama na lang sa kanilang survey ay iyong mga nagpahayag na ng pagkandidato sa 2025 senatorial election, period!


XXX


MAS NAG-VIRAL SA SOCIAL MEDIA ANG PAGTSIBOG NI SEN. ROBIN KAYSA DEBATE NINA SEN. ALAN AT SEN. NANCY -- Habang nagdedebate sina Sen. Alan Cayetano at Sen. Nancy Binay sa Senate hearing patungkol sa bilyun-bilyong pisong budget sa konstruksyon ng New Senate Building sa Taguig, na ayon kay Sen. Alan ay aabot sa higit P23 bilyon ang gastusin, at ang depensa naman ni Sen. Nancy ay nasa P21.7 bilyon lang, ay napokus ang atensyon ng netizens kay Sen. Robin Padilla na nandu’n din sa hearing, pero hindi nakikisali sa debate, at sa halip ay pagkain ang inatupag.


Dahil d’yan, nasapawan ni Sen. Robin ang debate nina Sen. Alan at Sen. Nancy.

Mas nag-viral kasi sa socmed ang pagtsibog ni Sen. Robin kaysa balitaktakan nina Sen. Alan at Sen. Nancy, boom!


XXX


SA LAKI NG PATONG SA ULO, TIYAK KAKABA-KABA NA SI PASTOR QUIBOLOY -- Nilagyan na ng Dept. of the Interior and Local Gov’t. (DILG) at Philippine National Police (PNP) ng P10 million reward ang ulo ni fugitive Pastor Apollo Quiboloy at tig-P1 milyon naman sa mga kasabwat nito sa kasong child sexual abuse at child sex trafficking.


Dahil d’yan, tiyak kakaba-kaba na si Quiboloy kasi sa laki ng halaga na nakapatong sa kanyang ulo ay may posibilidad na may kaibigan, tauhan o karelihiyon niya na alam kung saan siya nagtatago ang magturo sa kanyang pinagtataguan kapalit ng P10 M reward sa kanya, period!


XXX


CONG. SALCEDA, NAGPAPANSIN KAY PBBM? -- Pinuri ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda ang Marcos administration dahil nagawa raw nitong ilagay “under control” ang inflation rate sa bansa, na ang nais tukuyin ng kongresista ay napanatili raw ng pamahalaan ang mababang presyo ng bilihin at bayarin sa ‘Pinas.


Mantakin n’yo, ang taas ng presyo ng bilihin at bayarin sa bansa, tapos nagagawa pa ni Salceda na mag-statement ng ganyan.


Siguro, kulang sa pansin (KSP) ng Malacañang si Salceda kaya nagpapansin kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM), boom!


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page