Sa laki ng nat’l. budget next year, asahang lalaki rin ang confi at pork barrel funds ng mga trapo
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Marso 10, 2024
SUWERTE NAMAN NI EX-P-DUTERTE KASI SIYA PALA ANG ‘TAGAPAGMANA’ NG MGA ARI-ARIAN NG KOJC NI PASTOR QUIBOLOY -- Itinalaga ni Pastor Apollo Quiboloy si ex-P-Duterte bilang administrator ng ari-arian ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Suwerte naman ni ex-P-Duterte, kasi nga binata pala itong si Pastor Quiboloy kaya’t siya ang mistulang ginawang tagapagmana sa mga ari-arian ng KOJC, he-he-he, congrats!
◘◘◘
MAS LALONG MABABAON SA UTANG ANG ‘PINAS SA LAKI NG NATIONAL BUDGET NEXT YEAR -- Marso 2024 pa lang ngayon, pero pinag-uusapan na ng Office of the President (OP), Dept. of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DOF), National Economic Development Authority (NEDA) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), pawang nakabilang sa Development Budget Coordination Committee (DBCC), na gawing P6.12 trillion ang national budget next year o sa year 2025.
Hindi naman kakayanin ng gobyerno na makakolekta ng tax ng ganyang kalaking halaga sa Pilipinas, at dahil d’yan ay asahan na ng mamamayan na ang halos kalahati niyang P6.12 trillion national budget next year ay uutangin ng pamahalaan na lalong magpapabaon sa utang ang ‘Pinas, tsk!
◘◘◘
CONFI AT PORK BARREL FUNDS NG MGA TRAPO MAGTATAASAN, MAMAMAYAN ‘NGANGA’ AT LALONG MAGHIHIRAP SA LAKI NG BUDGET NEXT YEAR -- Sa laki ng nais na national budget ng gobyerno next year, na papalo na sa higit P6 trillion ay asahan nang lalaki rin ang confidential funds at pork barrel ng mga trapo (traditonal politicians).
‘Yan ang malungkot na nangyayari sa ‘Pinas, kasi ang mga trapo lang ang nakikinabang sa laki ng national budget, pero ang mamamayan ay “nganga” kasi hanggang ngayon ay maraming pamilyang Pinoy pa rin ang nakakaranas ng hirap sa buhay, boom!
◘◘◘
BAON NA BAON NA SA UTANG ANG ‘PINAS KAYA HUWAG NANG UMASA ANG MAMAMAYAN NA BABABA PA ANG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN -- Ang national budget ng gobyerno noong year 2022 ay P5.024 trillion, noong year 2023 ay P5.268 trillion, ngayong year 2024 ay P5.768 trillion, at next year (2025) nga ay P6.12 trillion na ang magiging national budget ng pamahalaan.
Ang nais nating ipunto rito, sa kada pagtataas ng national budget yearly, ay yearly nangungutang din ang pamahalaan na siyang naging dahilan kaya nabaon na nang husto sa utang ang ‘Pinas, at kapag sinabing utang, binabayaran ‘yan at ang pambayad ay kinukuha sa kinokolektang tax sa mamamayan.
At dahil d’yan, huwag nang umasa ang mamamayan na bababa pa ang presyo ng mga bilihin at bayarin kasi ang katotohanan ay mas lalo pang tataas ang inflation rate sa bansa, period!





Comments