Sa kabila ng sinasabing sinkhole… 4K turista kada araw pasok sa Boracay – Aklan gov’t
ni Lolet Abania | December 16, 2022

Tumatanggap na ngayon ang isla ng Boracay ng nasa tinatayang 4,000 tourista kada araw, na nananatiling pasok sa kanilang kayang kapasidad at pinapayagan ng gobyerno, ayon sa mayor ng lugar ngayong Biyernes.
Ito ang naging statement ni Malay, Aklan Mayor Floribar Bautista matapos na ipahayag ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na dapat na iobserba ng nasabing tourist destination ang kanilang carrying capacity makaraang mahigit 800 sinkholes ang namataan sa isla.
“Basta hindi tayo bababa sa 4,000 a day… ang mga residents na lang sa Boracay nasa 38,000 ‘yan eh,” saad ni Bautista sa isang radio interview.
“Ang anong capacity kasi d’yan ng Manila 6,400 or 6,500 tourists a day,” dagdag ni Bautista.
Ayon sa mayor, mahigpit nilang ipinatutupad ang mga panuntunan lalo na sa bilang ng mga visitors na pinapayagan sa isla.
“Kung pag-usapan naman natin sa carrying capacity eh ino-observe naman natin ‘yan eh,” sabi ni Bautista.
“At regarding naman sa mga structure, meron kaming mga regulations sa Boracay na wala naman tayong masyadong high-rise. Ang maximum natin height sa Boracay 6 floors eh,” aniya pa.
Gayunman, ayon kay Bautista, nais niyang ipakita sa kanya ng MGB ang isang map ng kung nasaan matatagpuan ang mga sinkholes sa Boracay.
“At dapat din ma-identify kung saan banda ‘yang mga sinkhole na ‘yan. Manghingi ako ng mga mapa d’yan sa MGB para malaman natin kung ganoon kalaki at hindi paglagyan ng structure d’yan kasi merong sinkhole,” giit ni Bautista.
Aniya pa, naitayo naman nang maayos ang lahat ng istraktura sa Boracay.
“Lahat naman ng mga structures, lalo na malalaki yung mga matataas na mga structures … hindi naman basta-basta ‘yung mga structure engineer na tinitingnan talaga sa may ilalim kung may hollow ba siya or may sinkhole ba,” saad pa ni Bautista.





Comments