Sa face mask policy… P-BBM, naghihintay sa rekomendasyon ng DOH – Malacañang
ni Lolet Abania | September 5, 2022

Ipinahayag ng Malacañang na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay “makikinig sa lahat” subalit maghihintay ito sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH) sa kung dapat o hindi na bawiin na ng gobyerno ang kanilang polisiya hinggil sa mandatory na pagsusuot ng face masks.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa isang press conference nitong Linggo sa Palasyo, ito ang mandate ng DOH na payuhan o i-advise ang Pangulo kaugnay sa usaping pangkalusugan ng bansa, nang tanungin ang kalihim sa naging desisyon ng Cebu na hindi na obligado ang mga residente sa lugar ng pagsusuot ng face masks outdoors.
“What we can say is that he (President Marcos) values the opinion of the DOH. But he will likewise listen to everybody,” saad ni Cruz-Angeles.
Ang usapin hinggil sa pagluluwag ng face mask rules sa maraming bahagi ng bansa ay muling nabuhay noong nakaraang linggo matapos na ipahayag ni Cebu City Mayor Michael Rama na maaaring hindi na kailanganin ng mga mamamayan ng lungsod na magsuot ng face masks sa mga open spaces.
Ayon sa DOH, hindi kumonsulta ang Cebu City sa ahensiya sa kanilang optional wearing of face mask policy, habang nagbabala sa mga opisyal ng anila, “disastrous consequences” kung ang iba pang mga lugar sa Pilipinas ay magpapasa ng katulad na polisiya.
“Although the issue is raging, there is intervention by the Secretary of Interior and Local Government, and he has asked Cebu to kindly defer their plan,” sabi ni Cruz-Angeles.
“I understand that the response has been that they will not defer. So we will wait first for further action on the part of the Department of the Interior. And so all of that will be taken into consideration by the President,” aniya pa.
Matatandaan na noong nakaraang linggo, sinabi ng Malacañang na rerespetuhin nila ang mga desisyon ng mga local government units (LGUs).





Comments