Rural Farm Schools para sa edukasyon sa sekondarya
- BULGAR
- Apr 23, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 23, 2023
Kinikilala ng Estado ang karapatan ng bawat mamamayang Pilipino, sa siyudad man nakatira o sa nayon. Isa sa mga karapatan ng mga mamamayang Pilipino ay ang mabigyan ng kasanayan sa paaralan at edukasyon, anuman ang antas at estado nila sa buhay. Isa sa mga paraan ng pamahalaan upang makapagbigay ng edukasyon para sa mamamayang nasa mga kanayunan o rural areas ay ang pagtatag ng mga Rural Farm Schools sa ilalim ng Republic Act No. 10618 o “Rural Farm Schools Act”.
Ang alternatibong paraan na ito ng pagbibigay ng edukasyon para sa mamamayan sa kanayunan ay isang paraan upang mabigyan sila ng kasanayan. Ang kasanayang ito ay magagamit nila upang iangat ang kanilang estado sa buhay. Maaari silang pumasok sa mga Rural Farm Schools kung saan ang kurikulum ng high school ng Department of Education (DepEd) ang susundang kurikulum. Bukod dito, mayroong dagdag na kurso na nakatuon sa Agri-Fishery Arts. Ang huling dalawang taon ng academic year sa Rural Farm School ay nakatuon sa integrative learning sa lahat ng asignatura sa kurikulum at may diin sa farm entrepreneurship. Ang mga kabataan ay makakatanggap ng pagsasanay sa modernong teknolohiya ng poultry at livestock, fishery, at agriculture. Matuturuan ang mga estudyante rito na gamitin ang kanilang mga matututunan upang mapalago ang kanilang sakahan o farm.
Sinumang mamamayang taga-nayon na nakapagtapos ng elementarya sa anumang edad ay kuwalipikadong magpatala sa mga Rural Farm Schools para sa kanilang edukasyon sa sekondarya. Kung marami ang bilang ng aplikante at hindi kayang kunin lahat ng farm school ang mga aplikante, ang mga kaanak ng mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ay bibigyang-prayoridad. Libre ang matrikula at iba pang school fees sa mga Public Rural Farm Schools, maliban sa mga kabayarang papayagan ng DepEd. Ang mga Private Rural Farm Schools naman ay maaaring magtalaga ng maliit na halaga ng matrikula na dapat ipaapruba ng DepEd.
Ang bawat Rural Farm School ay mayroong tutors at school head. Ang school head ang mamamahala at titingin sa operasyon ng Rural Farm School. Pasisiguruhan ng school head na ang programa ay maisasakatuparan at mayroong sapat na educational resources na magagamit ng mga estudyante. Ang tutors naman ay mga dalubhasa sa kanilang larangan. Sila ang gaganap bilang mga guro, guidance counselors, rural developers, livelihood project proponents, marketing specialist at project consultants. Ang school head at tutors sa mga Public Rural Farm Schools ay makakatanggap ng buwanang suweldo sa ilalim ng Salary Standardization Law na bukod sa iba pang mga benepisyo na itinatakda ng batas.
Kaagapay ng school head at mga tutors ang DepEd, Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Agricultural Training Institute (ATI) sa patuloy na pagbibigay ng trainings, pagsasanay, at mga kagamitan tulad ng mga libro, student workbooks, teaching session guides, at iba pang materyales.
Sinuman na magbibigay ng donasyon sa mga Rural Farm Schools ay hindi magbabayad ng Donor’s Tax at ang ibinahaging donasyon sa mga Rural Farm Schools ay maaaring ibawas sa gross income para sa pagkuwenta ng Income Tax ng nagbahagi ng donasyon.





Comments