top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Run 7-Eleven 2020, idaraos sa Virtual X'mas For A Cause

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 28, 2020
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 28, 2020





Matutuloy ang naudlot na Run 7-Eleven 2020 subalit ito na ay magiging isang virtual run na tatawaging 7-Eleven Christmas Virtual Run For A Cause simula ngayong Nobyembre 30 hanggang 10:00 ng gabi ng Disyembre 12. Walang bayad ang patakbong ito subalit ito ay bukas lamang para sa mga nagpalista para sa naunang petsa nito noong Pebrero 2, 2020.


Pagkakataon na ito para sa lahat na makuha ang kanilang medalya, t-shirt at mga regalo mula sa sponsor habang naghahatid ng tulong sa mga nangangailangan na kababayan ngayong Pasko. Ang 7-Eleven ay magbibigay ng isang bag ng pagkain at kagamitan sa pangalan ng tatakbo sa kanyang napiling pamahalaang lokal.


Lahat ng nagpalista ay tatanggap ng sulat na may panuto kung paano mabubuo ang karera. Hindi kailangan suotin ang race singlet at race bib subalit hinihimok ang lahat na gamitin ito at kunan ng litrato para sa social media.


Ang mga distanya ay tulad pa rin ng dati – 42, 32, 21, 10, lima, tatlo at isang kilometro – at hindi papayagan lumipat ng distansya. Tumakbo sa takdang distansya gamit ang relos o telepono na may GPS app at maaari ring gumamit ng treadmill.


Umaasa na iiral ang katapatan sa mga kalahok. Nanawagan din ang pamunuan ng karera na sundan ang mga health at safety protocol ng lugar na tatakbuhan. Para sa mga hindi makakatakbo, sumulat lamang sa info@run711.com upang malaman kung paano maibabalik ang binayad. May hanggang Disyembre 12 lang maaaring makuha ito.


Sabay-sabay dapat ginanap ang karera sa mga lungsod ng Cebu, Davao at Kalakhang Maynila. Nagpasya ang 7-Eleven na ipagpaliban ito matapos pumutok ang bulkang Taal at sinundan agad ng pagdating ng COVID-19.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page