Roxas Vanguards, una sa game 1 ng VisMin Cup Semis
- BULGAR
- Aug 2, 2021
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | August 02, 2021

Nakauna na sa kanilang semifinal battle ang Roxas Vanguards laban sa Pagadian City Explorers sa Mindanao leg, 78-67, kagabi sa Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Plaza Luz Gym, Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Pumutok ng todo ang kumbinasyon nina Ernesto Bondoc Jr. at James Castro na bumakbak ng 21 at 19pts, ayon sa pagkakasunod, habang nag-ambag ng double-double performance si Lester Reyes sa 14 pts na nangangailangan na lamang ng isang panalo sa kanilang best-of-three semifinal duel.
Hindi na hinayaan pa ng Vanguards ang kanilang kalamangan sapol ng makuha ang bentahe ng second quarter. Lalo pang pinalobo ng Roxas ang kalamangan nito sa ikatlong canto ng maglunsad ang mga ito ng 19-point-lead, 51-32 sa 5:05 ng third canto, ngunit inunti-unti ito ng Pagadian na ibaba sa 43-55 sa pagtatapos ng third canto.
Nabalewala ang magandang panimula ng Pagadian sa unang quarter para sa 21-10, matapos umiskor lang ito ng 7-puntos sa pagtatapos ng second quarter dahil sa magandang pag-atake at depensa ng Roxas Vanguards, 28-36, mula sa pagsasanib-opensiba nina Castro at Bondoc Jr.
Namuno sa opensiba ng Explorers si Rich Guintaran sa 22pts na kinakailangang makabawi ngayong araw, Lunes, bandang 6 p.m. para sa main game, habang magsasagupa rin ang JPS Zamboanga City at Clarin Sto, Nino sa unang laro ng 4 p.m.
Samantala, susubukan ni 2019 Southeast Asian Games double gold medalist gymnasts Carlos “Caloy” Yulo na matangay ang kauna-unahang medalya o ginto sa gymnastics sa 2020+1 Summer Olympic Games sa pagsalang niya sa men’s vault finals, ngayong hapon ng 5:51 sa Ariake Gymnastics Centre, habang sisimulang makalampas sa women’s 200-m round 1 ng Heat 7 ni Philippine national record holder Kristina Knott sa alas-10:18 ng umaga sa Olympic Stadium sa Tokyo, Japan.





Comments