Roxas Vanguards, pasok na sa Mindanao Final ng VisMin Cup
ni Gerard Arce - @Sports | August 07, 2021

Pormal na sinemento ng Petra Cement-Roxas Vanguard ang pagpasok nila sa Mindanao division Finals matapos patalsikin ang JPS Zamboanga City, 83-72, kagabi sa Game 3 ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup semifinals: Phase Two sa Pagadian City Gymnasium, Pagadian, Zamboanga del Sur.
Kakaharapin ng Roxas Vanguards ang nag-aabang na undefeated at Finals-bound na Jumbo Plastic Basilan Peace Riders matapos walisin ang elimination round sa 8-0 kartada sa Linggo, sa best-of-three championship showdown na magsisimula sa ganap na alas-8:00 ng gabi.
Rumatsada para sa Vanguards si Jordan Sta. Ana na bumira ng 17pts at 4rebs katulong sina Lester Reyes na may double-double performance na 13pts at 12 rebs, James Castro sa kanyang 12 pts, 7rebs at 9 assts, at si dating NCAA MVP Leo Najorda sa karagdagang 16pts at 3 rebs.
“(Laging sinasabi ni coach Eddie) na mag-focus lang kami lagi sa game kahit na anong ibato sa amin ng kalaban, kailangan pa ring mag-focus namin sa laban para manalo,” pahayag ni Sta. Ana sa panayam dito matapos ang laro. “Siguro lamang kami sa takbuhan at lamang kami sa mga coaches namin kase masyado namin silang napaghandaan bago kami lumaban sa laro.”
Naging matindi ang pagkapit sa kalamangan ng Vanguards na hindi na hinayaang bitawan ang bentahe sapol ng makuha ang 16-14 na lamang sa 2:44 ng first quarter, hanggang sa tapusin ito sa 25-19.
Patuloy na pinanghawakan ng Vanguards ang bentahe hanggang sa pagtatapos ng second period na pinaabot pa sa 15-point lead sa 40-25 sa nalalabing 2:58 oras mula sa lay-up ni Bondoc. Hindi naman hinayaan nina Gaco, Yu, Espinas at Belencion na malubog ng husto ang Zamboanga City kung kaya’t pinilit nilang ibaba ang kalamangan sa pagtatapos ng first half sa iskor na 36-43.
Gayunpaman, mas lumobo pa ang lamang ng Roxas ng irehistro nito ang pinakamalaking kalamangan nito sa laro sa 56-40 sa 4:23 mula sa tirada ni Sta. Ana, at inulit pa ito sa 62-46 sa 1:52 at tinapos ang third canto sa 66-52.





Comments