top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

‘Rosary Campaign’ para sa WPS, simula June 27

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 26, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 26, 2024



Boses by Ryan Sison


Dahil sa agresibong hakbang na ginagawa ng China sa West Philippine Sea, hinimok ng isang opisyal ng simbahan na magdasal ng rosaryo ang lahat ng Katoliko sa bansa. 


Sa website ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na ang ‘Rosary Campaign’ ay magsisimula sa June 27 at tatagal hanggang August 15 o ang kapistahan ng Solemnity of the Assumption of the Blessed Virgin Mary.


Hinikayat din ni Archbishop Villegas ang mga indibidwal na sa panahon ng naturang kampanya na dapat magnilay-nilay at magsagawa ng mga tinatawag na acts of penance o pagpenitensya at acts of charity o pagkakawanggawa at tumulong sa mga mahihirap. 


Ikinabahala kasi ng dating pangulo ng CBCP, ang pag-aksyon ng China sa WPS na nakakaapekto sa pamumuhay ng mga mangingisda, hinaharap na panganib ng ating Philippine Coast Guard at pagkasira ng ating karagatan.  


Ayon kay Archbishop Villegas, mapanatili nawa ng kapangyarihan ng rosaryo ang pananampalataya at kalayaan ng ating bansa. Durugin nawa ng kapangyarihan ng rosaryo ang ulo ng ahas at itaboy nito ang kapangyarihan ni Satanas mula sa ating mga dalampasigan.


Nanawagan din ang prelate sa mga mamamayan na ipagtanggol ang bansa, at sa mga militar na magpatrolya sa karagatan ng Pilipinas upang maprotektahan ang mga mangingisda at itaguyod ang pambansang soberanya.


Hiniling din niya na ang mga mambabatas ay magsagawa ng mga pagsisiyasat, mga prosecutor o tagausig at hukom na ‘itaguyod ang hustisya’ para mapanagot ang mga indibidwal na nagbibigay panganib sa national security at interest ng ating bayan.


Sa lahat ng pagkakataon at sa ganitong panahon ang tangi nating sandigan ay ang Poong Maykapal. Siya na lumikha ng lahat ng bagay sa mundo ay siya ring may kapangyarihang isaayos ang mga ito.


Lagi rin Siyang may oras sa kanyang mga anak na tumatawag at humihingi ng awa at habag para sa kabutihan din ng kanyang nilikha. 


Katulad ng panawagan ng ating mahal na archbishop, marapat lamang na gawin nating sumunod at magdasal nang taimtim hindi lang para sa sarili, pamilya, komunidad, kundi maging sa katahimikan at kapayapaan ng ating bansa, gayundin upang patuloy na proteksyon ang ipagkaloob ng Diyos sa bawat mamamayan ng Pilipinas. 


Alalahanin din sana natin na ang dasal ang mabuting sandata laban sa sinumang mananakop at mga kaaway.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page