ROS at Bolts, tutuntong sa TNT Giga at Warriors
ni Clyde Mariano @Sports | July 12, 2023

Tatangkain ng second running Rain or Shine E-Painters ang 6th win sa pitong laro laban sa naghihirap at walang panalong TNT Tropang Giga at pipilitin ng Meralco Bolts na humiwalay sa 5-3 tie sa nagpapahingang Blackwater Bossing kontra sister team NLEX Road Warriors sa PBA Preseason on Tour sa Ynares Center sa Pasig City.
Haharapin ng E-Painters ang TNT ng 7:30 pm matapos ang 5 pm na sagupaan ng Bolts at Road Warriors. Inaasahang mananalo ang RoS sa TNT na maglalarong wala ang key players na sina Roger Pogoy, Jayson Castro, Mikey Williams at John Paul Erram.
Papasok sa court ang RoS laban sa TNT mataas ang apat na sunod na panalo sa Phoenix, San Miguel Beermen, Terrafirma Dyip at Converge Fiberxers at ang TNT hanggang ngayon ay nababagabag sa pang-anim na sunod na kabiguang dinanas sa SMB.
Sa kabila nang intact ang lineup ay hindi dapat magpabaya ang E-Painters at pinalalahanan ni coach Yeng Guiao na maglaro nang husto at masiguro ang 6th win at ipalasap sa mga bata ni coach Jojo Lastimosa ang pang-7 sunod na talo matapos yumuko sa SMB noong Hulyo 7 kung saan tinalo rin ng Converge ang Phoenix, 104-90.
Galing sa panalo ang RoS, tinalo ang Converge at gagawin ni Guiao na “stepping stone” laban sa TNT. Tulad sa mga nagdaang mga panalo muling sasandal si Guiao sa gunners na sina Rey Nambatac, Mark Borboran, Beau Belga, Jewel Ponferrada, Shaun Ildefonso at Anton Asistio.





Comments