Rodrigo kikilatisin sa PHILRACOM race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | January 28, 2022
Masusubukan ang husay ni Rodrigo sa pagsalang nito sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System ngayong araw ng Biyernes sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Patok sa karera tipsters ng programa si Rodrigo na rerendahan ni jockey RM Adona kaya inaasahang malaking suporta ang makukuha nito sa mga liyamadista.
Lalarga si Rodrigo sa distansyang 1,400 meter race upang puntiryahin ang added prize na P5,000 para sa winning horse owner.
May karagdagang 25,000 na premyo rin ang ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta, ang ibang kalahok ay sina Always Somewhere, Stay Ready, Narrative, Tanforan, Arubaitosan, Perfect Time, Sapin Sapin, Since When, Cold Play, Maki Boi at Pendant.
Ang nasabing karera ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, pinasaya ni Senyorita ang mga liyamadista nang manalo ito sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System noong Miyerkoles ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Humarurot agad sa unahan si Senyorita paglabas ng aparato upang manalo ng banderang tapos.
Namayagpag sa unahan si Senyorita subalit pagsapit ng far turn ay bahagya siyang nadikitan ni Don Albertini.
Hindi naman nagpabaya si Senyorita, pagdating ng rektahan ay biglang ulit lumayo ang winning horse at manalo ng may anim na kabayong agwat sa nasegundong Don Albertini.
Ginabayan ni class A rider JA Guce, nagtala ng tiyempong 1:30.6 minuto sa 1,400 meter race ang anak nina Cat Brulay at Near Miss na si Senyorita.
Nasilo ni Senyorita ang added prize na P5,000, natersero sa nasabing laban si Princess Isabelle habang pumang-apat si Our Secret.





Comments