Rocket debris ng China, may dalang ‘lason’, magdoble-ingat
ni Ryan Sison @Boses | Marso 22, 2024
Posibleng bumagsak sa katubigan ng Ilocos Sur at Catanduanes ang debris mula sa rocket na ni-launch ng China nitong Miyerkules.
Sa isang advisory ng Philippine Space Agency (PhilSA), kasunod ito ng pagpapalipad ng Beijing ng Long March 8 rocket, mula sa Wenchang Spacecraft Launch Site sa Wenchang, Hainan, China, Miyerkules, bandang 8:31 a.m., oras sa Pilipinas.
Ayon sa PhilSA, inaasahang babagsak ang rocket debris sa loob ng mga natukoy na drop zone na humigit-kumulang 78 nautical miles mula Vigan, Ilocos Sur (DZ A1) gayundin, sa 194 nautical miles (DZ A2) at 332 nautical miles (DZ A3) sa Panay Island sa Catanduanes.
Anang kagawaran, hindi man sa kalupaan babagsak ang debris, may dala pa rin itong panganib sa mga aircraft, barko, fishing boats, at iba pang sasakyang pandagat na tatama sa drop zone.
Nagbabala naman ang PhilSA na sakaling makakita ng nagpapalutang-lutang na mga rocket debris at posibleng mapunta sa ilang kalapit na baybayin, huwag nang usisain pa dahil maaaring naglalaman ito ng mga nakakalason na sangkap o toxic substances tulad ng rocket fuel.
Payo rin ng kagawaran sa publiko na agad na ipagbigay alam sa mga local official, kung may matagpuang debris ng naturang rocket.
Pihadong may kaakibat na namang perhuwisyo sa atin ang ginawang ito ng China.
Marahil, hindi na nila kayang water cannon lamang ang ipanlaban sa ating teritoryo, kaya sinubukan na nilang maglunsad ng rocket na sa ating katubigan naman babagsak.
Dapat sigurong magdoble-ingat ang ating mga kababayang nasa Vigan at Panay Island na tutumbukin ng naturang debris. Iwasan sana nating lapitan o tingnan, sakaling makakita ng mga rocket debris dahil posibleng may dala itong lason na tiyak na makakaapekto sa ating kalusugan.
Sa kinauukulan, lalo na sa lokal na pamahalaan, sana ay tutukan agad ang sitwasyon sa inyong lugar at paalalahanan ang mga residente na nasasakupan dahil baka hindi nila mapigilan na ito ay alamin.
Gayundin, kailangan na talagang gumawa ng hakbang ng gobyerno para tuluyang matigil ang pamemerhuwisyo sa ating bansa ng China.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments