Robin Hood, pinahirapan sa Condition Race Merged
- BULGAR
- Jul 12, 2022
- 1 min read
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | July 12, 2022
Hindi naging madali ang panalo ni Robin Hood sa Condition Race Merged na nilarga sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas, Linggo ng hapon dahil nabigyan ito ng magandang laban.
Sa largahan pa lang ay binuliglig na nina Calbayog, Shanghai Noon at Box Office si Robin Hood at hanggang rektahan ay hindi siya tinantanan ng pangalawa.
Sinakyan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA), Jockey of the Year awardee Jessie B. Guce, kumalas ng bahagya si Robin Hood subalit hinabol agad siya ni Shanghai Noon kaya naman nagtagisan sila ng bilis hanggang rektahan.
Bandang huling 50 metro ng karera ay umungos na si Robin Hood at tinawid nito ang meta ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang si Shanghai Noon.
"Malaking bagay 'yung napalaban ng todo si Robin Hood kasi mas lalo siyang mag-uumento at dahil bata pa ay malaki ang tsansa niyang maging kampeon sa karera," saad ni Gilbert Gonzales, veteran karerista.
Inirehistro ni Robin Hood ang tiyempong 1:24 minuto sa 1,400 meter race sa event na suportado ng Phiilippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Tumersero si Calbayog habang pang-apat si Dragon Butterfly.
Samantala, hindi nagpadaig si Apo Ni Maria matapos manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa pangalawang karera.
Ginabayan ni Jomer Estorque, inirehistro ni Apo Ni Maria ang tiyempong 1:27.4 sa 1,400 meter race. Dumating na segundo si Phenom habang tersero ang pang-apat na sina Sekretong Malupit at Wild Act ayon sa pagkakasunod.





Comments