Robin Hood, mahusay sa SLLP Condition Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | June 13, 2022
Ipinakita ni Robin Hood ang kanyang husay matapos nitong manalo sa Condition Race Merged (16-17) na ginanap sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite, Sabado ng gabi.
Ginabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee, Jessie Guce, nanalong banderang tapos si Robin Hood matapos irehistro ang 1:29.8 minuto sa 1,400 meter race.
Kumaskas agad sa unahan si Robin Hood pero sinikap ni Moment Of Truth na makakapit.
Pagsapit ng unang kurbada ay kumalas ng bahagya si Robin Hood kaya nakalamang ito ng isa't kalahating kabayo.
Hindi na pinadikit ni Robin Hood ang mga katunggali kaya pagsapit ng home turn ay beripikadong mananalo ang pag-aari ni LM Javier Jr. "Sa ipinakitang husay ni Robin Hood ay magiging champion horse 'yan sa malalaking stakes races tullad ng Presidential Gold Cup," saad ni Albert Ladiana, veteran karerista.
Dumatiing na segundo si Coal Digger, tersero si Truly Ponti habang pumang-apat si Moment Of Truth sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Hindi naman nagpadaig si Hee Nieve Rahh, nagpakitang gilas din ito nang manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa pangalawang karera.
Sinakyan ni veteran jockey Jeffrey Bacaycay, hinimig ni Hee Nieve Rahh ang added prize na P5,000.
Dumating na segundo si Haymaker, habang tersero at pang-apat na tumawid sa meta sina Mythic Layla at Lucky Julliane ayon sa pagkakasunod.





Comments