Robin Hood, hinangaan
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | March 29, 2022
Bumilib ang mga karerista kay Robin Hood matapos manalo sa Condition Race (18) noong Linggo ng gabi sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Pinasiklaban ni Robin Hood ang mga tagahanga nang manalo ng banderang tapos ng walang kahirap-hirap.
Nirendahan ni RM Garcia, umarangkada si Robin Hood sa largahan upang makuha ang unahan at tumuloy-tuloy sa meta sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon. Lamang ng tatlong kabayo si Robin Hood kay Victorious Run sa unang likuan habang tersero si Silab.
Kalmadong dinala ni Garcia si Robin Hood kaya nanalo ito ng may 7 kabayo ang agwat sa nasegundong Heroesdelninetysix, tumerserong si Silab. "Magaling at mahusay na kabayo si Robin Hood, ang tapang sa unahan," sabi ni Perlito Candelaria, veteran karerista.
Nasilayan ng mga karerista ang husay ni Robin Hood pagdating sa rektahan.
Inirehistro ni Robin Hood ang 1:23 .6 minuto sa 1,400 meter race at ayon sa mga karerista ay pang stakes race ang tiyempo kaya inaasahang aabangan nila ito sa mga susunod na takbo.
Samantala, nagpakitang-gilas si Colony Bell nang manalo sa 3-Year-Old & Above Maiden race na inilarga sa 2nd race.
Sinakyan ni class A rider Mark Angelo Alvarez, inirehistro ni Colony Bell ang 1:28. 2 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng Bell Racing Stable ang P10,000 na dagdag premyo.
Segundong tumawid ng finish line si Laparoscopy, pangatlo si Barrio San Roque habang 4th si Queensland.





Comments