Rivalry ng CEU at Saints uulitin sa Aspirant's Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 12, 2022

Sasariwain ng Adalem Construction-St. Clare College at matinding karibal Centro Escolar University ang kanilang mga nakaraang tapatan sa tampok na laro ngayong araw ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup simula 3 p.m. sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Pag-aagawan din ng EcoOil-De La Salle at Marinerong Pilipino ang maagang liderato sa 11 a.m. na susundan agad ng Wangs-Letran kontra AMA Online Education sa 1 p.m.
Galing ang CEU sa impresibong 101-82 tambakan sa AMA tampok ang 36 puntos ni Jerome Santos sa pagbubukas ng torneo noong Huwebes. Sa naunang laro, lumaban subalit kinapos sa huli ang St. Clare kontra Wangs-Letran, 94-87, na sumandal kay Player of the Week Mark Louie Sangalang na may 21 puntos at 11 rebound.
Maliban kay Santos, maaaring humugot ng lakas ang Scorpions sa mga beteranong sina Franz Diaz at Dave Bernabe at ang baguhang si Anjord Cabotaje. Kokontrahin sila ng kombinasyon nina Johnsherick Estrada, Jolo Sumagaysay at John Edcel Rojas na minsang naglaro para sa CEU bago lumipat sa Saints.
Matatandaan na naglaban ang St. Clare at CEU para sa apat na magkasunod na kampeonato sa National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) noong nakaraang dekada. Nanalo ang Saints noong 2012 subalit bumawi ang Scorpions at inuwi ang tatlong sunod-sunod mula 2013 hanggang 2015 bago tuluyang magpaalam sa liga.
Aasa muli ang EcoOil sa malakas na laro ng magkapatid na Michael Phillips at Ben Phillips na nagsama para sa 39 puntos sa 112-82 tagumpay sa Builders Warehouse-UST noong Sabado. Hindi nagpahuli ang Marinero at binigo ang Apex Fuel-San Sebastian, 86-74, salamat sa mainit na shooting ni Jollo Go na may anim na 3-points para sa 23 puntos.





Comments