Rigondeaux, lalim ng karanasan panlaban niya kay Pinoy Casimero
ni Gerard Arce - @Sports | August 13, 2021

Tiwala si 2-division World champion Guillermo “The Jackal” Rigondeaux ng Cuba na kaya niyang paamuhin ang bangis ng mga suntok ni World Boxing Organization (WBO) bantamweight titlist John Riel “Quadro Alas” Casimero sa kanilang unification fight sa Agosto 14 sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California.
Walang pag-aalinlangan ang 40-anyos na two-time Olympic gold medalist na marami pa itong mailalabas na lakas at bilis sa edad niya lalo pa’t nararamdaman nitong tila bumabata ang kanyang pakiramdam at mas mataas ang kumpiyansang magtatagumpay.
“I am confident that I am going to do that against the most avoided fighter in my weight class. Casimero is a dangerous fighter and a very powerful puncher, but I’m going to tame him with great boxing skills,” pahayag ni Rigondeaux.
Sa 22 laban na pinagdaaanan ng Santiago de Cuba native ay isang beses lang itong natalo sa kamay ng dating 3-division champion at 2-time Olympic gold medalist sa dalawang weight category na si Vasiliy Lomachenko ng Ukraine, kung saan hindi pa niya tunay na timbang sa super-featherweight class na nagtapos sa 6th round stoppage.
Sa pakikipagharap ni Rigondeaux sa 31-anyos na Ormoc City native at defending WBO 118-pound champion, itataya rin nito ang kanyang World Boxing Association (WBA) regular world 118-lb title, na humugot din ng inspirasyon at motibasyon sa boxing matches ng 2020+1 Olympic Games sa Tokyo kung saan nakapag-uwi siya ng titulo sa 2000 Sydney at 2004 Athens Olympics.
Hindi pa natatalo ang Cuban boxer sa dalawang laban niya kontra sa Filipino, kina Dian Francisco na tinalo niya via 10 round UD para sa bakanteng WBC International Silver Super bantamweight at The Ring super bantamweight at kay Nonito “The Filipino Flash” Donaire para sa WBA (Super World), WBO at The Ring super bantamweight.





Comments