Righteous Ruby, nanalo sa Local & Imported Race
- BULGAR
- Aug 30, 2022
- 1 min read
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | August 30, 2022
Siniksik ni star jockey Jonathan Hernandez si Righteous Ruby sa tabing balya upang makopo ang panalo sa Special Invitational Race (Local & Imported) na ginanap sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite noong Linggo ng gabi.
Lumabas na bugaw sa largahan ang anak nina Revolutionary at God Bless Slew na si Righteous Ruby.
Nirendahan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Hernandez unti-unting umusad sa balya ang winning horse papalapit sa far turn.
Pagsapit ng huling 150 metro sa rektahan ay umungos na si Righteous Ruby upang tawirin ang meta ng may tatlong kabayo ang agwat sa nasegundong si Darleb.
Inilista ni Righteous Ruby, pag-aari ng Golden Three Kings Inc. ang tiyempong 1:32.6 sa 1,500 meter race sapat upang hamigin ang P150,000 premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Dumating na segundo si Darleb na nagbulsa ng P50,000 habang tersero at pang-apat sina Shastaloo at Starrininmydreams na kumubra ng tig- P25,000 at P12,500 ayon sa pagkakasunod.
Samantala, si Gomezian ang nagwagi sa 2022 PHILRACOM 3-Year-Old Sprint Race na pinakawalan sa pangalawang karera.
Nagpakitang gilas din si Ambisioso nang manalo ito sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa Race 1.
Nirendahan ni jockey Jericho Serrano, inirehistro ni Ambisioso ang tiyempong 59.4 segundo sa 1,000 meter race upang sungkitin ng winning connection ang added prize na P20,000 habang ibinulsa ng may-ari ang karagdagang premyo na P5,000.
Dumating na segundo si Luke Skywalker, pangatlo si Iikot Lang habang pumang-apat si Rockaway.





Comments