Righteous Ruby, lalarga sa Imported/ Local Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |September 15, 2022
Masisilayan muli sa pista si Righteous Ruby sa paglarga ng 2022 PHILRACOM Imported/Local Challenge Race na gaganapin sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa darating na Linggo.
Bukod kay Righteous Ruby may anim na tigasing kabayo ang nagdeklara ng pagsali sa distansiyang 2,400 meter race kaya inaasahang bakbakang umaatikabo ang masisilayan ng mga karerista.
Nakalaan ang guaranteed prize na P1M na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta, ang ibang nominado ay sina American Factor, Downsideprotection, Shastaloo, Starrininmydreams, Time For Glory at Tony's Love.
Gagabayan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Hernandez, puntirya ni Righteous Ruby na masilo ang P600,000 premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon. Hahamigin ng second placer ang P225,000 habang tig-P125,000 at P50,000 ang kukubrahin ng third at fourth ayon sa pagkakasunod.
Ayon sa komento ng mga karerista pahabaan ng hininga ang labanan kahit makalayo sa unahan ay hindi pa nakasisigurong mananalo dahil sa distansiya. "Kapag may naglutsahan sa unahan siguradong mauubusan dahil sa haba ng distansya kaya pagalingan na rin ng diskarte ng mga hinete," saad ni Edwin Corrantes, veteran karerista.
Samantala, inaasahang dadagsain ng mga karerista ang karerahan dahil ilalarga rin sa araw na iyon ang Lakambini Stakes Race at Road to Juvenile Stakes Race.
"Magandang mamasyal sa Carmona sa Linggo, maganda ang lineup ng karera kaya masarap maglibang habang nanonood ng live na labanan," nakangiting sabi ni Victorio Vitalez, karerista na taga-Tayuman, Manila.





Comments