top of page
Linda Walker - Circulated.jpg

Rider, patay sa tali ng saranggola

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 23, 2020
  • 1 min read

ni Twincle Esquierdo | September 23, 2020





Patay ang isang rider matapos sumabit sa tali ng saranggola ang kanyang leeg sa Vigan City, Ilocos Sur nu'ng Lunes (Setyembre 21).

Kinilala ang biktima na si Benedict Paiste, 36-anyos at isang electrician.

Naabutan siya ng mga tao na duguan sa Bypass Road sa bahagi ng Barangay Cabalangegan at agad namang dinala sa pinakamalapit na ospital ngunit dead on arrival na ito.

Ayon sa imbestigasyon ni Police Lieutenant Charlie Angya-on, hepe ng Vigan City Police, naka-helmet umano ang biktima pero tumama sa leeg nito ang tali ng saranggola.

Batay din sa kapatid nitong si Richard Paiste, huminto ang kapatid at bumagsak. Nagtamo rin ng sugat sa leeg ang angkas nito ngunit nakaligtas.

"Pagkahinto, bumagsak ang kapatid ko, malalim kasi ang sugat pati lalamunan niya at malalaking ugat ang natamaan," sabi ni Paiste.

Hinuli naman si Alvin Reintegrado, isa sa mga naglalaro ng saranggola, ngunit itinanggi nitong ang sumabit na tali ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.

"Noong napatid 'yung tali ng saranggola, nagsialisan na rin kami. Inayos na nu'ng kasama kong bata 'yung tali," sabi ni Reintegrado.

Gayunman, sinabi ni Angya-on na mananagot sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang taong responsable sa nangyari sa biktima.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page