Responsibilidad ng Dog Owners
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 10, 2023
Dear Chief Acosta,
Nag-iisip akong bumili ng aso, ngunit gusto kong malaman kung anu-ano ang aking magiging responsibilidad kung sakaling ako ay magkakaroon na ng alagang aso.
Sapagkat nasabihan ako ng aking kapitbahay na kung sakaling may makagat ang aking aso, ako ang may pananagutan sa pagpapagamot ng kung sinumang magiging biktima. Salamat sa inyo. –Lalab
Dear Lalab,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 5 ng Republic Act (R.A.) No. 9482, o mas kilala sa tawag na “Anti-Rabies Act of 2007,” na nagsasaad na:
“SECTION 5. Responsibilities of Pet Owners. — All Pet Owners shall be required to:
a. Have their Dog regularly vaccinated against Rabies and maintain a registration card which shall contain all vaccinations conducted on their Dog, for accurate record purposes.
b. Submit their Dogs for mandatory registration.
c. Maintain control over their Dog and not allow it to roam the streets or any Public Place without a leash.
d. Be a responsible Owner by providing their Dog with proper grooming, adequate food and clean shelter.
e. Within twenty-four (24) hours, report immediately any Dog biting incident to the Concerned Officials for investigation or for any appropriate action and place such Dog under observation by a government or private veterinarian.
f. Assist the Dog bite victim immediately and shoulder the medical expenses incurred and other incidental expenses relative to the victim’s injuries.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, may ilang responsibilidad ang lahat ng may-ari ng isang hayop tulad ng mga aso. Isa rito ay kinakailangan na regular ang vaccination ng mga aso laban sa rabies at panatilihin na may registration card kung saan nakalagay ang mga bakuna ng alagang hayop. Kung sakaling may nakagat ang alagang hayop, dapat itong ipagbigay-alam sa loob ng 24 oras mula sa insidente sa mga concerned officials para maimbestigahan at malagay sa angkop na lugar ang nasabing aso upang maobserbahan ng isang pampubliko o pribadong veterinarian. Bilang may-ari rin ng nakakagat na aso, nararapat na matulungan agad ang naging biktima at bayaran ang anumang gastos na medikal para sa pagpapagamot. Kaya sa nabanggit mo na sitwasyon, kung sakaling may makagat ang iyong alagang aso, nararapat na masunod mo ang mga nabanggit na responsibilidad sa probisyon ng Seksyon 5 ng R.A. No. 9482.
Kabilang dito ang pagsagot sa pagpapagamot ng biktima dahil sa nangyaring insidente ng pangangagat.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments