top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Response sa COVID-19 ang dapat pokus sa IATF meeting, hindi pagpapa-pogi points kay Michael Yang

BULGAR
Sep 16, 2021
2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 16, 2021


P-DUTERTE, NAGMISTULANG SPOKESMAN NA NI MICHAEL YANG—Mula nang mabulgar ang pagkakasangkot ni Yang Hong Ming, aka Michael Yang sa transaksiyon ng PS-DBM (Procurement Service-Department of Budget and Management) at Pharmally Inc. na pag-aari ng mga Chinese na wanted sa Taiwan sa kasong fraud at imbestigahan ito ng Senado, at sa tuwing magto-talk to the people si P-Duterte sa meeting ng IATF (Inter-Agency Task Force) ay palaging ipinagtatanggol ng pangulo ang kaibigan niyang Chinese na kesyo mabuti itong tao.


Napakasuwerte naman ni Michael Yang, mantakin n'yo, ang nagmimistulang spokesman niya ay pangulo ng Pilipinas, boom!


◘◘◘


SA IATF MEETING, DAPAT RESPONSE SA COVID-19 ANG POKUS, HINDI PAGPAPA-POGI POINTS KAY MICHAEL YANG—Hindi katanggap-tanggap sa publiko na sa IATF meeting ay mas mahaba pa ang oras na ginugugol ni P-Duterte sa pagpapa-pogi-points kay Michael Yang at pag-atake sa mga senador na nag-iimbestiga sa bilyun-bilyong transaksiyon ng PS-DBM at Pharmally na may konek kay Yang sa pagbili ng mga overpriced na facemask, face shield at PPEs (Personal Protective Equipments).


Sa dami ng tinatamaan at namamatay sa COVID-19 ngayon, dapat ang pokus ni P-Duterte sa IATF meeting ay kung paano mas paiigtingin ang response ng gobyerno para makontrol ang pananalasa ng virus sa ‘Pinas at hindi ‘yung ginagawa pang bida sa mga Pilipino si Yang na bukod sa Chinese national ay hindi naman taong-gobyerno, period!


◘◘◘


SABIT TALAGA SI MICHAEL YANG KASI BUKOD SA VIDEO, SIYA RIN ANG INGINUNGUSO NG MGA TAGA-PHARMALLY NA KONTAK NILA SA DUTERTE GOV’T.—Ang utos ni P-Duterte sa mga opisyal ng DBM at Department of Health (DOH) na huwag dumalo sa Senate investigation ay karapatan ni P-Duterte bilang pangulo ng bansa, pero dapat isipin nitong may karapatan din ang mamamayan na malaman kung sino ang mga nagsabwatan sa pangwawalanghiya sa pera ng bayan.


Kung hindi nasangkot si Michael Yang sa scam na ito at hindi mga wanted sa Taiwan ang katransaksiyon ng gobyerno ay puwede talang mapaniwala ng Malacañang na namumulitika lang ang mga senador, kaya lang ay dawit talaga sa scam ang kaibigan ng pangulo kasi bukod sa video na dinala nito (Yang) sa Malacañang ang mga taga-Pharnally, ipinakilala sa pangulo ay siya rin ang inginunguso ng mga taga-Pharmally na kontak nila sa Duterte gov’t., boom!


◘◘◘


KUNG HINDI NAG-IMBESTIGA ANG SENADO, HINDI MALALAMAN NG TAUMBAYAN NA MAY MGA NANGWAWALANGHIYA SA KABAN NG BAYAN—Ang mandato ng COA (Commission on Audit) ay bantayan at suriin ang kaban ng bayan sa mga tanggapan ng pamahalaan at kung may nasisilip silang mali sa paggasta ay saka nila ito ipa-flag at bahala na ang Ombudsman at blue ribbon committee kung nais itong imbestigahan.


Dinedma ng Ombudsman ang nasilip ng COA sa PS-DBM kaya’t ang Senate blue ribbon ang nag-imbestiga at dito natuklasan na overpriced ang pagkakabili sa Pharmally na no permanent address, wanted sa Taiwan ang mga may-ari nitong may konek kay Yang, mas pinaboran ang presyong P27.70 ng Pharmally kaysa P13 na presyo ng negosyanteng Pinoy, idiniliber ang mga medical supplies kahit wala pang purchase order, at iba pang isyung pagpapatunay na may naganap na scam dito.


Kung walang ginawang imbestigasyon dito ang Senado, hindi malalaman ng taumbayan na may mga nagsabwatan para walanghiyain ang pera ng bayan, period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page