Responsableng pagpo-post sa socmed, tungkulin din ng guro

by Info @Editorial | August 16, 2026

Malaki ang responsibilidad ng guro, pati sa social media. Bago mag-post ng larawan o video na may estudyante, dapat munang isipin kung makabubuti ba ito o maaari silang mapahiya at malagay sa alanganin.
Hindi dapat gawing content ang estudyante para lamang sa views at engagement. Ang isang biro o viral video ay maaaring humantong sa cyberbullying, kahihiyan at pangmatagalang epekto sa bata.
Mahalaga ring tandaan na hindi lahat ng estudyante ay komportableng makunan o maipakita online. Dahil guro ang humihiling, maaaring mahirapan silang tumanggi kahit ayaw nila.
Dapat ding maging maingat sa mga sensitibong usapin, personal na karanasan at sitwasyong maaaring makasira sa dignidad ng bata. Kapag na-upload na ang isang content, mahirap nang kontrolin kung saan ito mapupunta at paano ito gagamitin ng iba.
Mahalagang gamitin ang social media nang responsable. Sa lahat ng pagkakataon, dapat mauna ang dignidad, kaligtasan at kapakanan ng estudyante kaysa sa anumang content.



Comments