Rescue at relief operations, tiyaking mabilis
@Editorial | May 28, 2023
Kasunod ng pananalasa ng Bagyong Betty, tiniyak ng Department of Budget and Management ang sapat na pondo na maaaring gamitin ng gobyerno sa pagtugon sa anumang magiging epekto nito.
Napag-alaman na mayroon pang P18.3 bilyong calamity funds na puwedeng gamitin.
Kasama rin dito ang P1.5 bilyon na hindi nagamit mula sa pondo noong nakaraang taon, na maaaring magamit sa kabuuan ng 2023.
Nakaalerto na rin umano ang lahat ng ahensya ng pamahalaan, lalo na ang mga local government unit, para sa rescue at relief operations.
Puwede na ring umanong gamitin ng mga LGU at government agencies ang kanilang Quick Response Fund para sa pagtugon sa pangangailangan ng mga residenteng maaapektuhan.
Malinaw ang pahayag ng mga awtoridad na may sapat na pondo at handa ang mga kinatawan para sa pagtugon sa kalamidad. Kaya umaasa tayo na magiging mas maayos at mabilis ang aksyon.
Para naman sa ating mga kababayan na posibleng maapektuhan ng bagyo, laging mag-ingat at maging alerto. Sa dami ng bagyong dumating, sana ay natuto na tayo. Alam na natin ang mga dapat gawin bago, habang at pagtapos ng sama ng panahon.



Comments