Requirement sa mga dayuhang papasok sa 'Pinas

ni Lolet Abania | October 23, 2020

Maaari nang makapasok sa bansa ang mga dayuhan na may investor visa simula sa November 1, ayon sa Malacañang.
Gayunman, ang mga foreign nationals ay papayagan lamang sa bansa kung may visa ang mga ito na inisyu ng Bureau of Immigration (BI) sa ilalim ng Omnibus Investments Code of 1987 at Republic Act 8756, at para sa mga dayuhan na may special non-immigrant visas, nasa ilalim naman ito ng Section 47(a)(2) of the Philippine Immigration Act of 1940, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Nakapaloob din sa bagong polisiya na maaaring makapasok ang mga foreigners na may mga visa na inisyu ng Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority (APEZFA) at ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Ipinaliwanag din ni Roque na kinakailangan na ang bawat foreigner ay may valid at existing visa sa oras na pumasok ito sa bansa at mayroong pre-booked accredited na quarantine facility.
Dagdag pa rito, sila dapat ay nasa maximum capacity lamang ng inbound passengers sa daungan at isinumite ang petsa ng kanilang pagpasok sa bansa. Kailangan ding sumunod ang mga ito sa ipinatutupad na Immigration laws at iba pang panuntunan.
Ayon pa kay Roque, inaprubahan ang bagong polisiyang ito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) kahapon. Kabilang din sa mga travellers na papayagang makapasok sa bansa ay mga Pinoy, kanilang asawa at menor-de-edad na mga anak.
May itinatakda namang restriksiyon sa mga foreign children na may special needs ng Pinoy, mga dayuhang magulang ng minor na Pinoy at mga dayuhang magulang ng Pinoy na anak na may special needs para makapasok sa bansa.
Para sa eligible na dayuhan, kinakailangang i-secure ang kanilang entry visa mula sa Philippine embassies o consulates bago pa sila dumating sa bansa.
Gayundin, ang mga accredited foreign government at international organization officials kasama ang kanilang dependents, foreign airline crewmembers, foreign seafarers na may 9(c) visas at dayuhang may long-term visas ay papayagan ding makapasok sa bansa.





Comments