Republicans, walang mantsa sa NBL; Lady Generals, niligpit ang Air Force
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 21, 2022

Malinis pa rin matapos ang tatlong laro ang kartada ng DF Bulacan Republicans sa 2022 National Basketball League (NBL) President’s Cup handog ng FSD Insurance at Converge. Idinagdag ng Republicans ang Quezon Barons sa kanilang listahan, 108-92, Sabado ng gabi sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City.
Kinalimutan ni Marlon Monte ang problema sa foul at gumawa ng 20 puntos. Napiling Krooberg Best Player si Ryan Spencer Operio na may 15 puntos – ang pangatlong magkaibang Republican nag-uwi ng karangalan kasunod nina Monte at Christian Necio.
Ibinuhos ng Taguig Generals ang unang 11 puntos ng laban kontra sa Laguna Pistons at ito ay sumapat para sa 108-92 tagumpay at manatili rin na walang talo sa dalawang laro. Kahit lumobo sa 56-23 ang lamang, palaban pa rin ang Pistons at nakalapit sa 4th quarter, 70-81, subalit kinapos sa oras. Nagpasikat ang reserbang si Dan Anthony Natividad para sa 19 puntos at napiling Krooberg Best Player. Nanguna sa Generals si Jonathan Lontoc na may 20 puntos.
Samantala, nagsimula na ang kampanya ng mga bagong koponan mula sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa 2022 Women’s National Basketball League. Dumaan sa overtime ang Taguig Lady Generals bago iligpit ang hamon ng PSI Air Force Lady Air Defenders, 69-57, at sinundan ng pagdurog ng Army Lady Battalion sa Go For Gold Navy Lady Sailors, 78-47.





Comments