top of page
Search
  • BULGAR

Republicans, pinahina ang Delta sa President's Cup

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 17, 2022



Binigyan muli ng bisitang DF Bulacan Republicans ang defending champion Pampanga Delta ng isa pang pagkatalo sa kanilang tahanan na Bren Z. Guiao Convention, 97-84, Linggo ng gabi sa huling laban sa elimination ng 2022 National Basketball League (NBL) President’s CuP. Binahiran din ng Republicans ang dapat sana ay masayang unang laro ni Justine Baltazar bilang isang ganap na propesyunal.


Nakatutok ang pansin sa 6’7” na si Baltazar na tinapos na ang 5taon sa UAAP para sa De La Salle University. Pumasok siya bilang reserba na may 5:41 nalalabi sa first quarter at lamang ang Bulacan, 17-15, subalit biglang nagbago ang timpla ng laban at gumawa si Baltazar ng 8 puntos para angatin ang Delta, 26-20.


Hindi natinag ang mga beterano ng Republicans at nagtrabaho ng husto upang ibalik ang abante at bigyan ng aral ang bagitong higante. Sa kasamaang palad, hindi tinapos ni Baltazar ang laban at napilitang umupo sa huling 4:49 matapos mapilay at lamang ang Bulacan, 84-74.


Hinirang na Krooberg Best Player si power forward Earnest Reyes sa 20 puntos at humakot ng 19 rebounds. Tinulungan siya ni Marlon Monte na may 17 puntos at Christian Necio na may 15 puntos at 11 assist.


Samantala, nakamit ng Taguig Lady Generals ang numero unong puwesto papasok sa 2022 Women’s National Basketball League (WNBL) semifinals matapos palubugin ang Go For Gold Navy Lady Sailors, 52-46. Pumukol ng tatlong 3-points si Camille Claro para sa 11 puntos at itulak ang Taguig sa kartadang 7-1.


Haharapin ng Lady Generals sa best-of-three semifinals ang Army Lady Battalion (3-5) habang magsusubukan sa kabilang serye ang PSI Air Force Lady Air Defenders (6-2) at Lady Sailors (4-4). Kumuha ng positibong enerhiya ang Army at winakasan ang kanilang limang sunod-sunod na pagkatalo at nanatiling walang panalo ang panghuling STAN Quezon Lady Spartan, 62-45.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page