Republicans, inangkin ang final seat ng President's Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 21, 2022

Nakamit ng DF Bulacan Republicans ang pangalawa at huling upuan sa finals ng 2022 National Basketball League (NBL) President’s Cup handog ng Converge matapos ang pinaghirapang 100-99 panalo sa Taguig Generals Linggo sa Bren Z. Guiao Convention Center. Ipinilit ng Republicans ang pangatlong laro sa bisa ng kanilang 98-93 tagumpay sa overtime noong Sabado sa parehong palaruan.
Umapoy para sa 15 ng kanyang kabuuang 17 puntos si Republican Christian Necio sa second half upang mabura ang 46-40 lamang ng Generals at igawad sa kanya ang Krooberg Best Player. Sinuportahan siya nina Marlon Monte na may 24 puntos at Earnest Reyes na may 20 puntos at 11 rebound.
May pagkakataon si sentro Joseph Celso na masigurado ang panalo subalit nagmintis ang kanyang dalawang free throw. Nakuha ni Lerry John Mayo ang rebound pero depensa ang nagsalba sa Bulacan at itinapik ang bola upang mawala sa kamay ni Mayo sabay ubos ng nalalabing dalawang segundo.
Bago noon, binigyan ni Marvin Moraga ng 100-96 lamang ang Republicans sa isang free throw na may 10 segundong nalalabi. Sinagot ito ng 3-points ni Harvey Subrabas at iyan na ang naging huling hirit ng Taguig at binigyan ng foul si Celso.
Naunang nakapasok sa seryeng best-of-three ang defending champion Pampanga Delta na winalis ang Quezon Barons noong Sabado, 96-67. Tinanghal na Krooberg Best Player si Mark Jason Tamayo na gumawa ng 24 puntos habang triple double si Justine Baltazar na 11 puntos, 12 rebound at 11 assist.
Ang Game 1 ng NBL Finals sa pagitan ng Delta at Republicans ay gaganapin ngayong Biyernes sa Bren Z. Guiao. Kasabay din nito ang Game 1 ng 2022 Women’s National Basketball League (WNBL) sa tapatan ng PSI Air Force Lady Air Defenders at Army Lady Battalion.
Ang Game 2 ng mga serye ay sa Linggo kasabay ng winner take all finals ng NBL Youth Under19 sa pagitan ng Pampanga Delta at Yengskivel City of San Jose del Monte. Kung kailangan, ang mga Game Three ay nakareserba para sa Hulyo 2.





Comments