Reporma ng SC, mistulang pagpapalaya sa mga plunderer
- BULGAR
- Jan 31, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Enero 31, 2023
REPORMA NG SC, PALAYAIN ANG MGA PLUNDERER? – Ibinida ni Supreme Court (SC) Chief Justice Alexander Gesmundo na isa sa reporma o pagbabagong ginawa nila ay pabilisin ang mga kaso o petisyong isinampa sa Korte Suprema.
Siguro, kabilang sa repormang ginawa ng SC ay palayain sa pamamagitan ng piyansa ang mga sangkot sa pork barrel scam na nakasuhan ng plunder tulad ni Gigi Reyes na dating chief of staff ni former Sen. Juan Ponce Enrile. Buset!
◘◘◘
HABEAS CORPUS PETITION, BAKA GAMITIN NA RIN NI PORK BARREL QUEEN JANET NAPOLES PARA MAKALAYA – Sabi ni SC Associate Justice Ramon Paul Hernando, writ of habeas corpus ang petisyong inihain ni Gigi Reyes na kumukuwestyon sa matagal na niyang pagkakakulong sa piitan kaya pinayagan ng Korte Suprema na palayain ito sa pamamagitan ng piyansa habang dinidinig sa Sandiganbayan ang kaso niyang plunder, at puwede rin daw gamitin ng mga presong matagal nang nakakulong sa piitan ang writ of habeas corpus petition.
Kumbaga, parang binigyan na rin ng tip ni Justice Hernando si pork barrel queen Janet Napoles na mag-writ of habeas corpus petition na rin kung nais niyang makalaya. Pwe!
◘◘◘
MAY SAPAT NA DAHILAN KAYA NAKULONG SI GIGI REYES DAHIL SABIT ITO SA PORK BARREL SCAM, PLUNDER AN KASO NIYA TAPOS PINALAYA DAHIL SA WRIT OF HABEAS CORPUS – Ang writ of habeas corpus ay terminong nasa Saligang Batas at ito ang ginagamit na petisyon sa korte ng mga taong inaaresto at ikinulong nang walang sapat na dahilan, at kapag nabusisi ng SC na walang dahilan para makulong ang isang tao, ito ay pinalalaya ng Korte Suprema.
Pero sa kaso ni Gigi Reyes, may sapat na dahilan kaya ito inaresto at ikinulong, sabit siya sa pork barrel scam o pandarambong sa kaban ng bayan, kaya siya kinasuhan ng plunder na “no bail” tapos ang ikakatuwiran ni Justice Hernando, nag-writ of habeas corpus petition daw kasi kaya pinalaya ito ng SC. Tsk!
◘◘◘
MGA AGRI-SMUGGLERS SA ‘PINAS, PARAMI NANG PARAMI – Sa pagdinig sa Kongreso noong Enero 23, nabulgar na hindi lang pala sina “Leah Cruz,” “Michael Yang,” “David Bangayan,” “Paul Teves,” “Manuel Tan,” “Andrew Chang” at “Jun Diamante” ang mga agri-smugglers sa bansa dahil lumutang din ang mga pangalang “Michael Ma,” “Lujene Ang,” “Beverly Peres,” “Lucio Lim” at alyas “Aaron”, nadagdag na mga smugglers ng agricultural products sa ‘Pinas.
Hay naku, imbes na mawala sa Customs ang mga agri-smugglers, eh nadadagdagan na, dumarami pa. Buset!
Comments