top of page

Fake Pinoy, huwag hayaang makalusot sa bansa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 hours ago
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 24, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakakabahala na tila nagiging normal na ang pagkakaroon ng banyagang nagpapanggap bilang Pinoy gamit lamang ang mga pekeng dokumento. 


Ang pinakahuling kaso ay ang pagkakaaresto sa isang Chinese national, matapos mahuli sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Agosto 21. Gamit niya ang Philippine passport at iba’t ibang ID na nagsasabing isa siyang tunay na Pilipino, subalit sa verification ng Bureau of Immigration (BI), lumabas na ang kanyang fingerprint ay tugma sa isang Chinese citizen na dating may long-term visa at Alien Certificate Registration Identity Card. 


Hindi ito basta simpleng usapin ng pagkakamali sa papeles. Malinaw na sinadyang baluktutin ang proseso ng citizenship, isang bagay na nakalaan lamang sa mga dumaraan sa wastong naturalization. Lalo pang nakadagdag sa bigat ng isyu ang ulat na ang nasabing Chinese national ay may-ari ng ilang malalaking negosyo at kasapi ng mga business groups sa bansa. Dahilan upang kaya niyang gumalaw at makalusot ng hindi agad mapapansin, isang sitwasyon na hindi malayong magdulot ng panganib sa seguridad at integridad ng bansa. 


Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, malinaw sa batas na kung walang naturalization, ang isang dayuhan ay hindi eligible o karapat-dapat makakuha ng mga dokumento ng Philippine citizenship. 


Ang pagkakaaresto sa Chinese na ito ay dahil sa kaso ng pekeng pagkakakilanlan, at nagpapaalala sa kontrobersyal na si Alice Guo, na umano’y Chinese national din na nakapasok pa sa gobyerno gamit ang mga pekeng pagkakakilanlan. 


Hindi na ito hiwalay na insidente, bagkus, bahagi ito ng mas malalim na problema ng sistematikong pang-aabuso sa mga butas ng ating sistema. 


Kung hindi natin bibigyan ng seryosong tugon ang ganitong klaseng issue, posibleng mas maraming banyaga ang makalusot at magpanggap bilang Pinoy, at maaari pang magkaroon ng access sa negosyo, pulitika, at maging sa sensitibong impormasyon ng bansa. 


Ang ganitong klase ng pandaraya ay hindi lamang insulto sa batas kundi sa mismong dangal ng mga tunay na Pilipino. 


Dapat magsilbing wake-up call ang kasong ito upang palakasin ang screening at verification ng lahat ng aplikante para sa lahat ng Philippine documents. Hindi na sumasapat ang pag-aresto lamang, kailangan ng masusing imbestigasyon kung sino ang mga nasa likod ng paglaganap ng mga pekeng dokumento at kung paano ito nakalulusot. 


Kung iisipin natin ang isang fake Pinoy ay hindi lamang peke sa papel, kundi isa siyang banta sa pambansang seguridad at soberanya ng bansa. 


Bilang isang mamamayan, ito ay nakakaalarma, dahil habang ang ordinaryong Pilipino ay dumaraan sa mahabang pila at istriktong requirements para makakuha ng passport o ID, may dayuhang kayang bilhin o manipulahin ang proseso para maging Pilipino sa papel. Kung hindi ito mapipigilan, baka dumating ang panahon na ang tunay na Pinoy ang maging dayuhan sa sarili nitong bayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page