top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Remulla absuwelto sa drugs, sana all mabilis ang hatol

BULGAR
Jan 7, 2023
2 min read

@Editorial | Enero 7, 2023


Inabsuwelto kahapon ng Las Piñas Regional Trial Court Branch 197, si Juanito Jose Remulla III, anak ni Justice Secretary Jesus Crispin 'Boying' Remulla — matapos mahulihan ng 893.9 gramo ng high-grade marijuana noong 2022.


Oktubre 2022 nang arestuhin si Juanito sa isang drug bust matapos maharang ang isang package mula California na naglalaman ng P1.3 milyong halaga ng "kush".


Kung napatawan ng parusang "guilty”, haharap sana si Remulla sa hanggang "habambuhay na pagkakakulong" at multang aabot ng P10 milyon, sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.


Ayon sa hatol na ibinaba ni Acting Presiding Judge Ricardo Modez III, sinabing kailangan munang mapatunayan ang mga sumusunod para sa matagumpay na prosekusyon ng kasong illegal possession of dangerous drugs: Nasa pag-iingat ng akusado ang iligal na droga, hindi pinahihintulutan ng batas ang kanyang paghawak ditp at malaya at alam ng akusadong hawak niya ang droga.


Ayon sa korte: Walang klarong ebidensya na malaya at alam ni Remulla na ilegal na droga ang nakumpiska sa kanya, hindi napatunayan "beyond doubt" ang pagkakakilanlan ng droga at hindi nangingibabaw ang presumption of regularity ng PDEA operatives sa pagpapalagay na inosente si Remulla.


Bagama't naipakitang naibigay ang package sa akusado, hindi nakapagbigay ang prosekusyon ng ebidensya na alam ni Remulla na marijuana ang laman nito.


Lumalabas din sa record na hindi inilagay sa pag-iingat ng PDEA ang parcel matapos nitong mabuksan noong Oktubre 4, 2022.


Nanatili ito kay Customs examiner Gerardo Pascual, na tumestigong inilagay niya ito sa "safety cage" matapos itong buksan at kunan ng samples.


Sa pananaw ng mga nakasubaybay sa kaso, inaasahan na nilang maaabsuwelto ang anak ng secretary ng DOJ. Para naman sa iba, tila hindi raw talaga napatunayan na inosente si Remulla, kundi bumase lamang sa technicality. Nagkaroon umano ng mga technical error at loopholes.


Sa loob ng 75 araw, nabigyan nang mabilis na paglilitis si Remulla at nabigyan ng pagkakataong patunayan ang kanyang pagkainosente. Bagay na hindi naibibigay sa marami. Ilang preso ang inabot na lang ng kamatayan sa selda pero hindi pa rin nahahatulan.


Sana, kung paano naging mabilis ang paggulong ng hustisya sa kilala o mayayaman, ganundin sa lahat.


Ito 'yung masasabi nating 'kaya pala, bakit hindi magawa sa iba?'


At sa problema pa rin sa droga, mas malala na talaga, sana magkaroon tayo ng mas matapang at matatag na batas at mga awtoridad na may konsensya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page