Relief goods nasayang, sino ang mananagot?

by Info @Editorial | September 28, 2026

Habang may mga pamilyang naghihintay ng pagkain at tulong tuwing may kalamidad, daang milyong pisong relief goods ang nauwi lamang sa pagkasira at pagkasayang. Hindi ito simpleng kapabayaan. Pera ito ng taumbayan na dapat sana'y naging pagkain at ayuda ng mga Pilipinong nangangailangan.
Walang saysay ang bodega na puno ng relief goods kung hindi naman ito naipamamahagi bago masira. Ang bawat kahon ng pagkaing itinapon ay patunay ng sistemang pumalya—sa pagbili, pag-iimbak, pagmo-monitor, o distribusyon.
Mas nakakagalit dahil sa panahon ng bagyo at sakuna, may mga pamilyang pumipila nang ilang oras para sa kakarampot na ayuda. Paano nasisira ang napakaraming relief goods habang may mga Pilipinong nangangailangan nito?
Hindi sapat ang paliwanag na “expired” o “damaged” ang mga suplay. Kailangang malaman kung sino ang nagpabaya, bakit hindi naipamahagi ang mga ito, at ano ang pananagutan ng mga responsable.
Kapag daang milyong piso ng ayuda ang nasayang, hindi lang pagkain ang itinapon—pera at tiwala ng taumbayan ang sinira.



Comments