Rekomendasyon ng eksperto vs. mabilis na pagkalat ng Delta variant, ‘wag isnabin
ni Ryan Sison - @Boses | July 26, 2021
Upang makontrol ang pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant, balik sa paghihigpit ang mga awtoridad.
Nariyan ang pagbalik ng mas mahigpit na quarantine restrictions sa ilang lugar kabilang ang Metro Manila, muling pagbabawal na makalabas ang mga batang edad 5 pataas at pagbalik ng curfew mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng isang infectious disease expert ang kahalagahan ng pagpapatupad ng “four-door” strategy. Rekomendasyon ni Dr. Anna Ong-Lim ng Technical Advisory Group ng Department of Health (DOH), ipagpatuloy ang Door 1 at Door 2 ng istratehiya o ‘yung travel restrictions at screening, testing at quarantine sa point of entry.
Sa kabila ng lumalabas na datos na mayroon nang local transmission, malaking tulong pa rin aniya ang ginagampanan ng border control upang bumagal pagpasok ng marami pang mga indibidwal na positibo, hindi lamang sa Delta variant.
Dagdag pa rito, sinabi ng eksperto na dapat ipagpatuloy ng mga lokal na pamahalaan ang pag-monitor sa mga indibidwal na nakatapos sa 10-day quarantine upang matiyak na tatapusin ng mga ito ang mandatory 14-day period.
Bukod pa rito, makatutulong umano kung patuloy na ipatutupad ang mga localized lockdowns.
Sa totoo lang, para tayong bumabalik sa umpisa dahil sa mga hakbang na ipinatutupad. Pero sa pagkakataong ito, sana ay mas kaalaman na tayo kung paano ito kakaharapin.
Gayunman, panawagan sa mga kinauukulan, ipagpatuloy ang pagbabakuna, paigtingin ang contact tracing at dagdagan pa ang pag-iingat sa lahat ng oras.
At ngayong may suhestiyon ang mga eksperto, dapat lang na makinig at sumunod tayo dahil ang lahat ng ito ay para sa ikabubuti ng nakararami.
‘Ika nga, sa lagpas isang taong pakikipaglaban sa pandemya, hindi na tayo dapat nangangapa.
Isa pa, hindi dapat masayang ang napakaraming sakripisyo ng bawat isa sa atin upang mapagtagumpayan ang laban na ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments