top of page
Search
  • BULGAR

Rebranding pa more!

@Editorial | July 20, 2023


Non-stop ang ginagawang rebranding sa mga ahensya ng gobyerno.

Sa ngayon, inanunsiyo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magkakaroon sila ng logo design contest.

Ayon sa TESDA, ang nasabing hakbang ay bahagi ng rebranding ng kanilang opisina gaya ng ginawa ng Department of Tourism at Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR).

Gayunman, tumanggi ang TESDA na sabihin kung magkano ang budget na inilaan sa nasabing pa-contest.

Bagama’t ang mananalo umano ay mabibigyan ng P10,000 at certificate of recognition.

Ang nasabing logo ay dapat umanong sumentro sa bagong slogan ng TESDA na “Lingap ay Maasahan”.

Walang masama sa rebranding pero ito ba ang mas kailangan ng taumbayan sa ngayon?


Sa totoo lang, hindi rebranding o bagong logo ang mas kailangan ng mamamayan, kundi mas maayos at epektibong serbisyo-publiko. Ang pagpapababa sa presyo ng mga bilihin, dagdag-sahod, maraming trabaho, mas magandang edukasyon at mga programang higit na magpapabuti sa kalusugan ng mamamayan.


Ang dapat na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ay ang mga bagay na may direktang mabuting epekto sa publiko lalo na sa mahihirap.


Sa halip na gastusan ng pondo ng bayan ang mga rebranding project, paglaanan dapat ang mga pangangailangan ng mga Pilipino.


Simula nang mauso itong rebranding na nasangkot pa sa mga kontrobersiya, lagi na nating naririnig o nababasa ang kasabihang, “If it ain’t broke, don’t fix it”. Huwag pakialaman ang mga hindi naman sira. ‘Yung mga sablay, palpak at kahihiyan, ‘yun ang dapat ayusin. Silang mga pasaway at walang mabuting ambag sa lipunan, sila ang dapat magbago.



0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page