RAW Ultra 50K Relay, tatahak sa Sierra Madre sa Tanay
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 3, 2022

Isang bagong hamon ang naghihintay sa RAW Ultra 50K Relay ngayong Setyembre 24 sa Blackwood Resort ng Tanay, Rizal simula 5 a.m. Dalawang magkakampi ang maghahati sa distansya at magiging bahagi ng patuloy na pagbabalik normal ng mga karera sa lalawigan.
Dahil matagal nawala ang mga karera, ginawa itong relay ng dalawang kakampi upang hindi mabigla ang mga kalahok sa mahabang distansya agad. Bibigyan ang unang mananakbo ng 4 na oras na tumakbo ng 25 km mula Tanay patungong Santa Maria, Laguna kung saan naghihintay ang kanyang kasama.
Tatakbo ang pangalawang kasapi pabalik ng Tanay at dapat matapos ito bago ang 2 p.m.
habang ihahatid ng sasakyan ang kanyang kasama. Gagawaran ng tuwalya at iba pang regalo ang lahat ng magtatapos at magkakaroon din ng salo-salo na pinagsamang agahan at tanghalian.
Bago mabusog sa pagkain, tiyak na mabubusog ang mata sa mga magandang tanawin sa bulubundukin ng Sierra Madre. Tinatayang aabot sa 635 metro mula sa lebel ng dagat ang pinakamataas na bahagi ng ruta kaya asahan ang malamig na panahon.
Hindi tulad ng karaniwang mga Ultramarathon na sariling sikap, magkakaroon ng mga himpilan bawat 5 km kung saan maaaring uminom o humingi ng tulong medikal.
Subalit kailangan pa rin na lahat ng mga kalahok ay magdala ng ilaw at lalagyan ng inumin at magsuot ng running vest para sa kaligtasan ng lahat.
Maaaring magpalista online sa pagdalaw sa Facebook ng "RAW Ultra: 50K Relay". Bilang pagsunod sa itinakdang health at safety protocol, limitado ang mga kalahok kaya magmadali na bago maubusan. Ang karerang ito ay bahagi ng serye na nasa pangangasiwa ng RAW Extreme Sports. Susundan ito ng mga solong 60K Ultra ngayong Oktubre at 100K Ultra sa Enero, 2023.





Comments