Ravena, inaayos na ang pagiging import sa Japan
ni Gerard Arce - @Sports | August 28, 2021

Nagtungo na sa Japan si NLEX Road Warriors guard Kiefer Ravena upang asikasuhin ang mga papeles at dokumento nito upang makalaro sa Japan B-League sa Shiga Lakerstars.
Inihayag ni NLEX team official Ronald Dulatre sa isang report ng ESPN5 ang pag-alis ng 27-anyos na dating 2-time UAAP MVP para kumpletuhin umano ang mga visa o immigration papers nito na isang pamamaraan para makalaro bilang import sa naturang liga.
Idinagdag ni Dulatre na matapos nitong makumpleto ang lahat ng mga kinakailangang dokumento sa tinaguriang ‘Land of the rising Sun,’ ay muli itong babalik ng Pilipinas upang ituloy ang paglalaro sa Road Warriors na nakatakdang ipagpatuloy ang mga laro sa elimination round ng 46th season ng PBA Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University sa Bacolor, Pampanga na maaaring gawin sa unang linggo ng Setyembre.
Daraan sa masusing quarantine protocols si Ravena pagdating ng Japan, habang ganito rin ang pagdaraanan niya pagbalik ng bansa. Pagkatapos nito sa quarantine at agad itong magtutungo sa Pampanga upang samahan ang koponan sa kanilang kampanya na kasalukuyang may hawak na 2-2 kartada.
Matatandaang pumirma si Ravena ng kontrata sa Lakerstars sa ilalim ng kasunduan sa Asian Player Quota at makalaro bilang import, ngunit agad itong hinarang ng PBA board dahil patuloy na nasa ilalim din ng kontrata mula sa Uniform Players Contract na kanyang pinirmahan noong Set. 2020 bilang contract extension ng hanggang tatlong taon.
Gayunpaman, kinalauna’y pinayagang maglaro ng isang season para sa Shiga Lakerstars si Ravena sa pamamagitan ng isang Tripartite Agreement sa pagitan ng NLEX, at ni PBA commissioner Willie Marcial. at Ravena na kinakailangang bumalik nito matapos ang isang taong paglalaro sa B-league.





Comments