top of page
SHEET - ARCHIE, NAKITAAN NI GEE NG 2 SACHETS NG DRUGS SA KOTSE-IG _archiealemania & _ogied

Rave party niratrat, 1 patay, 5  nadale

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni Jenny Rose Albason @Overseas News | September 1, 2026



Near site rave party -  REUTERS-Denis Balibouse

Photo: Malawak ang isinagawang police operation sa paligid ng lugar at hiniling sa publiko na umiwas muna sa crime scene. Reuters / Denis Balibouse



Patay ang isang 22-anyos na babae habang lima ang sugatan matapos ang pamamaril sa isang rave event sa Aarau, Aargau, Switzerland madaling-araw nitong Linggo.

Alas-2:30 ng madaling-araw nang makatanggap ng alerto ang pulisya kaugnay ng insidente sa Schachen district, kung saan ginanap ang “Aarau Rave VOL. 7” sa isang horse racing track.


Ayon sa Aargau cantonal police, namatay sa lugar ang biktima dahil sa mga tinamong pinsala. Apat na lalaki at isang babae, na nasa edad 24 hanggang 27, ang isinugod naman sa ospital matapos magtamo ng mga sugat na mula minor hanggang malubha.


Pawang residente ng Switzerland ang nakalista sa police records bilang mga biktima. Gayunman, kinilala ni Italian Prime Minister Giorgia Meloni ang nasawing babae bilang si Maria Spinelli at sinabi ring dalawang iba pang sugatan ay Italian citizens.


Samantala, nagpapatuloy ang malawakang manhunt para sa isa o higit pang suspek. Halos buong police force ng Aargau ang ipinakalat sa operasyon, habang nakibahagi rin ang mga awtoridad mula Freiburg, Germany, sa paghahanap.


Hindi pa matukoy ng pulisya ang motibo sa pamamaril at hindi rin agad nakumpirma kung may kaugnayan ito sa terorismo. Ayon sa tagapagsalita ng pulisya, kabilang sa mga posibilidad na sinusuri ang alitan dahil nangyari ang insidente matapos nang magwakas ang rave.


Sa ulat ng lokal na media, napagkamalan pa umano ng ilang dumalo na fireworks ang mga putok bago may sumigaw na lahat ay dumapa. Matapos ang insidente, dinala ang mga natitirang bisita sa isang kalapit na gymnasium kung saan sila kinuwestiyon ng mga imbestigador.


Malawak ang isinagawang police operation sa paligid ng lugar at hiniling sa publiko na umiwas muna sa crime scene. Nanawagan din ang mga awtoridad sa mga nakasaksi na magsumite ng anumang video o larawan na maaaring makatulong sa imbestigasyon.


Nagpahayag naman ng pagkabigla at pakikiramay ang Aargau Racing Club, habang sinabi ng Swiss DJ na si Tekibo, na kabilang sa mga performer sa event, na dapat ay ligtas at malayang lugar ang mga rave at hindi pinangyayarihan ng ganitong karahasan.


Bagama’t malawak ang gun ownership sa Switzerland, itinuturing na bihira ang ganitong uri ng pampublikong pamamaril sa bansa. Ayon sa pulisya, kakaiba ang insidente kumpara sa mga naitalang kaso nitong mga nakaraang taon.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page