Raptors, malupit sa 3-OT; Curry at Klay, hiniya si Irving
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 31, 2022

Kinailangan ng bisitang Toronto Raptors ang tatlong overtime upang magwagi sa Miami Heat, 124-120, sa tampok na laro sa NBA Eastern Conference kahapon sa FTX Arena.
Kasabay dito ang 110-106 pagtakas ng Golden State Warriors sa bisitang Brooklyn Nets upang higpitan ang karera sa Western Conference.
Pumukol ng 3-points si Fred VanVleet upang palayuin ang Raptors na may 2:17 nalalabi sa ikatlong overtime, 122-117, subalit sinagot ng tres ni Gabe Vincent upang lumapit ang Miami ng dalawa na lang, 120-122. Walang kabang ipinasok ni Pascal Siakam ang dalawang free throw na may 9.8 segundo sa orasan at hinigpitan ng Toronto ang depensa at tumapak si Vincent sa linya upang ibalik sa kanila ang bola at ubusin ang oras.
Nanguna sa Toronto si Gary Trent Jr. na may 33 puntos sa 56 minuto habang ipinasok ni VanVleet ang 11 ng 19 puntos sa tatlong overtime. Malaki ang suporta nina rookie Scottie Barnes na may 22, Siakam na may 21 puntos at 13 rebound at OG Anunoby na may 20 puntos at14 rebound upang umangat ang kartada sa 24-23.
Kahit natalo, numero uno pa rin ang Miami sa East sa 32-18, isang laro ang lamang sa Chicago Bulls na 30-18. Nasayang ang triple double ni Jimmy Butler na 37 puntos, 14 rebound at 10 assist.
Kahit nandoon si Kyrie Irving, wala siyang nagawa laban sa “Splash Brothers” Stephen Curry at Klay Thompson. Huling nagbanta ang Brooklyn sa tres ni Irving na may 10 segundo sa orasan, 106-107, subalit napilitang bigyan ng foul sina Curry at Thompson at ipinasok ang tatlong free throw para maselyuhan ang panalo.
Patuloy na pinapatunayan ni Andrew Wiggins na karapat-dapat siyang nahirang na 2022 All-Star sa 24 puntos. Sumunod si Curry na may 19 at 17 puntos si Jordan Poole.
Sa iba pang mga laro, humabol ang Philadelphia 76ers mula sa 17 puntos upang takasan ang Sacramento Kings, 103-101, sa likod ng 36 puntos at 12 rebound ni Joel Embiid. Bumuhos ng 38 puntos si Jayson Tatum upang itulak ang Boston Celtics kontra sa New Orleans Pelicans, 107-97.





Comments