top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Rainwater harvesting, epektib sa ibang bansa, gawin na rin sa ‘Pinas

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 12, 2023
4 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 12, 2023


Muling nabuhay ang iniakda nating panukalang batas sa Senado hinggil sa posibleng solusyon na makatutulong nang malaki hindi lamang sa komunidad kundi maging sa mga negosyo dahil sa napipintong pagtindi ng epekto ng El Niño sa bansa.


Matatandaang isinumite natin ang SB No. 990 noong Agosto 2, 2022 o ang AN ACT MANDATING THE ESTABLISHMENT, MANAGEMENT, MAINTENANCE, AND REGULATION OF A RAINWATER HARVESTING FACILITY IN ALL NEW INSTITUTIONAL, COMMERCIAL, INDUSTRIAL, AND RESIDENTIAL DEVELOPMENT PROJECTS IN METRO MANILA.


Naniniwala ako na malaki ang maitutulong nito lalo pa na may water shortage sa Metro Manila na hanggang ngayon ay pilit pa ring inireresolba kung paano magkakasya ang supply ng tubig maging sa mga karatig-bayan.


Lalo pa at tuluyang bumagsak ang water level ng Angat dam at lima pang dams sa bansa dahil sa panahon ng tagtuyot na sa tuwing dumarating ang ganitong problema ay paulit-ulit na lang na may mga rotational water interruption habang marami ang umaasa na lamang sa rasyon ng tubig.

Maganda rin ang mga hakbangin ng pamahalaan hinggil sa pagsasaayos ng iba pang dam ngunit hindi na ito maaaring palawakin pa dahil posibleng maging sanhi ng trahedya kaya kailangan natin ng iba pang solusyon na puwedeng magtulung-tulong ang lahat.


Hindi puwedeng naghihintay lamang tayo sa mga mangyayari at pinanonood kung sino ang nais na makialam at magbigay ng tulong sa problema sa supply ng tubig lalo na at napakatindi ng ulat hinggil sa El Niño na buong mundo ang sakop.


Sa lahat ng mga nagdaang ulat hinggil sa El Niño, tila itong huli ang pinakamalawak ang sakop na labis na nakakapangamba dahil sa hindi pa natin batid kung ano ang magiging kabuuang epekto nito maliban sa kakapusan sa tubig.


Matindi rin kasi ang babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa El Niño na dapat ay maghanda ang publiko hinggil sa weather phenomenon’s impact.


Sa ngayon, ayon sa PAGASA, nakararanas na tayo ng simula at mahinang El Niño ngunit mahigit sa 56% na ang naturang phenomenon ay maging mas matindi ang epekto sa huling quarter ng 2023 at inaasahang tatagal hanggang first quarter ng 2024.


Expected na makararanas ang bansa ng dry spell sa unang kalahati ng 2024 na labis na pinaghahandaan ng iba’t ibang sektor tulad ng water, health, energy at agriculture dahil may mga pag-aaral na sila hinggil sa matinding epekto ng El Niño.


Bukod sa mga babalang ito, may anunsiyo rin ang PAGASA na sa tindi ng init na mararanasan ay magkakaroon ng enhanced southwest monsoon na magdudulot ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.


Dito na pumapasok ang ating panukala na kailangang pagtuunan ng pansin ang paggamit ng rainwater harvesting technology sa lahat ng bagong institutional, commercial, industrial at residential development project sa Metro Manila.


Puwedeng nasa 100 square meters ang sukat nito at ang naipong tubig mula sa ulan ay magagamit sa urban irrigation, ground water recharge, firefighting, construction at iba pang non-potable na paggamit tulad ng paglilinis ng sasakyan, pambuhos sa banyo at iba pa.


Nakapaloob din sa ating panukala na lahat ng project owners o developers ng mahigit sa 1,000 square meters land area ay kailangang magsumite ng Rainwater Management Plan (RMP) bilang bahagi ng site development application at approval process.



Ang rainwater harvesting ay isang innovative technology na napatunayang epektibo sa maraming bansa sa pagresolba sa problema nila sa tubig at may mga bahay na sa North Atlantic island of Bermuda na ang mga bubong ay nakadisenyo sa sahod-ulan upang masigurong bawat bahay ay may magagamit na tubig.


May mga bahay din sa Indonesia na nakakaipon ng tubig sa ginawa nilang tangke na sapat para sa pang-araw-araw nilang konsumo, kabilang na ang kanilang inumin sa loob ng buong taon. Sa India ay umaabot lamang sa 60% ng kanilang naiipon sa taunang tag-ulan na malaking tulong sa karagdagang supply nila sa tubig sa kabila ng higit na mas maraming insidente ng pag-ulan sa Pilipinas kumpara sa kanila.


Ang panukalang ito ay may kaugnayan din sa Philippine Water Supply and Sanitation Master Plan (PWSSMP), kung saan may mandato na lahat ng government building at bagong construction project kabilang na ang resettlement areas na magkaroon ng rainwater harvesters (RHWs).


Nakapaloob na dapat lahat ng LGUs ay maglabas ng ordinansa na nag-aatas ng paggamit ng RHWs at storage facilities para sa lahat ng bagong proyekto at developments sa kanilang nasasakupan.


Dagdag pa rito, ang naturang panukala ay bilang pagtugon sa United Nations Sustainable Goals #6 na kailangang matiyak na magkaroon ng access sa tubig at kalinisan ang lahat.


Higit sa lahat, ang panukala nating ito ay aprubado na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng House of Representatives sa panahon ng 17th at 18th Congress kaya inaasahan nating wala na rin itong magiging balakid sa Senado.


Sabi nga, ang tubig ay buhay at napapanahong gumawa tayo ng solusyon at huwag na nating hintaying gumagapang na tayo sa uhaw dahil sa hindi lang tayo naghanda at wala tayong ginawa.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page