Raintree Starlet, nagpakitang-gilas pa
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | January 14, 2022
Nakapagpakitang-gilas ang Raintree Starlet noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park bago nahinto ang operasyon sa karerahan.
Impresibo ang ipinakitang performance ni Raintree Starlet nang parang sibat na lumabas ito sa aparato para sunggaban ang unahan at dumiretso sa hanggang sa meta para walang kahirap-hirap na angkinin ang panalo sa Condition Race Merged (10).
Ginabayan ni JPA Guce, inirehistro ni Rainstree Starlet ang impresibong 1:27.6 minuto sa 1,400 meter race sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Umalagwa agad ng malayo si Raintree Starlet kaya nasa kalagitnaan pa lang ng labanan ay nasa anim na kabayo na ang lamang niya sa sumesegundong In The Zoon.
Pagsapit ng huling kurbada ay beripikadong sisikwatin ni Raintree Starlet ang panalo dahil wala pa rin nakadikit sa kanya. "Napakahusay ni Raintree Starlet, inilampaso niya ang mga kalaban niya, walang nakadikit hanggang sa finish line," saad ni Reynaldo Legaspi, karerista.
Tinawid ni Raintree Starlet ang meta ng may walong kabayo ang agwat sa nasegundong si former Presidential Gold Cup champion Pangalusian Island, tersero si Kid Baloloy habang pumang-apat si The Accountant.
Samantala, nasalto ang operation sa karerahan matapos suportahan ng PHILRACOM ang panawagan ng gobyerno na mag-ingat sa mapaminsalang COVID-19.
Tinatayang hanggang Linggo ang walang karera kaya nag-aabang ang mga karerista sa susunod na anunsyo ng PHILRACOM. "Mabuti na rin 'yung nag-iingat, tama lang na unahin ng PHILRACOM ang kaligtasan ng mga karerista, hinete at trainers," ani Carlos Tolentino, karerista.
Sa ngayon binabalikan ng mga karerista ang mga lumang video at ayon sa kanilang komento sa social media ay nasisiyahan silang panoorin.





Comments