Radio Bell, sakalam sa Sta. Ana Park
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | July 26, 2022
Lupaypay ang balikat ng mga tagahanga ni Basheirrou nang manalo si Radio Bell sa 2022 PHILRACOM 3rd Leg Triple Crown stake race noong Linggo sa Sta. Ana Park sa Naic, Cavite.
Nabigo ang pangarap ni Basheirrou na maukit ang pangalan niya sa history ng karera bilang pang-13 kabayo na naka-sweep ng Triple Crown Series.
Ayon sa mga karerista, maganda ang naging diskarte ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, ipinuwesto nito ang anak nina Sakima at Radioactive Love na si Radio Bell sa pang-lima sa largahan habang nagtatagisan ng bilis sa unahan sina Gomezian at top favorite Basheirrou.
Unti-unting umusad papalapit sa unahan ang pambato ng Bell Racing Stable na si Radio Bell sa kalagitnaan ng karera upang pagsapit ng huling kurbada ay maungusan nito ang pagod ng si Basheirrou at Gomezian.
Tinawid ni Radio Bell ang finish line ng may anim na kabayong agwat sa nasegundong si Jungkook sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
"Napakahusay ni Radio Bell, ang ganda ng pagkakadala sa kanya tapos napahirapan pa sa unahan si Basheirrou," saad ni Benjamin Gonzales, veteran karerista.
Ang Bell Racing Stable ay pag-aari ni Elmer De Leon, ama ng sikat na volleyball player na si Bea De Leon.
Naghanda kay Radio Bell ay si trainer Donnie Sordan, inirehistro ng kanyang alaga ang 2:07.6 minuto sa 2,000 meter race sapat upang hamigin ang P2.1M premyo, habang napunta ang P787,500 sa second placer na si Jungkook.
Dumating na tersero sa finish line si Enigma Uno, pang-apat si Gomezian na nakapag-uwi ng tig-P437,500 at P175,000 ayon sa pagkakasunod.





Comments